18/08/2026
𝐃𝐈𝐋𝐆-𝐂𝐀𝐑, 𝐭𝐢𝐧𝐢𝐩𝐨𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐤𝐚𝐰𝐚𝐧𝐢 𝐮𝐩𝐚𝐧𝐠 𝐛𝐮𝐦𝐮𝐨 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐡𝐚𝐤𝐛𝐚𝐧𝐠 𝐛𝐚𝐭𝐚𝐲 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐫𝐞𝐬𝐮𝐥𝐭𝐚 𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐠𝐬𝐮𝐬𝐮𝐫𝐢 𝐬𝐚 𝐥𝐨𝐤𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐩𝐚𝐦𝐚𝐦𝐚𝐡𝐚𝐥𝐚
Sinimulan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal–Cordillera (DILG-CAR), sa pamamagitan ng Dibisyon ng Pagsubaybay at Pagsusuri ng Lokal na Pamahalaan (LGMED), ang tatlong araw na “Bridging the Gaps: Advancing Local Governance through Shared Insights and Responsive Actions: Feedbacking, Performance Review, and Intervention Planning for Local Governance Programs” ngayong Agosto 18, 2026.
Isinasagawa ang aktibidad upang balikan, suriin, at pag-aralan ang mga resulta ng iba’t ibang pagsusuri, audit, at validation activities sa lokal na pamamahala ngayong 2026 at gamitin ang mga ito bilang batayan sa pagbuo ng mga angkop na hakbang at interbensiyon. Kabilang sa mga susuriing resulta ang mga kaugnay ng Anti-Drug Abuse Council (ADAC), Peace and Order Council (POC), Local Committee Against Trafficking and Violence Against Women and their Children (LCAT-VAWC), Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA), at Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA).
Ang naturang aktibidad ay dinadaluhan ng mga City at Provincial Program Manager, mga Hepe ng Cluster, mga focal person at alternatibo, at mga Field Officer ng DILG-CAR, na magkatuwang sa pagsusuri ng mga resulta, pagtukoy sa mga kakulangan at mabubuting gawain, at pagbuo ng mga hakbang na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga Lokal na Yunit ng Pamahalaan (LGU).
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Panrehiyong Direktor Atty. Anthony C. Nuyda, CESO III na hindi nagtatapos sa paglalahad ng mga resulta ang halaga ng datos mula sa mga pagsusuri. Aniya, mahalagang suriin ang mga kalakaran, tukuyin ang mga paulit-ulit na kakulangan, ibahagi ang mga mabubuting gawain, at gawing batayan ang mga natuklasan sa pagbuo ng mga konkretong hakbang upang mas mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at mapahusay ang paghahatid ng mga serbisyo.
Sa unang araw ng aktibidad, binigyang-diin ang mga layunin ng gawain at ang kahalagahan ng pagsusuri sa mga naging resulta ng mga local governance assessment.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, nilalayon ng DILG-CAR na mas mapalakas ang pagtutulungan, paggamit ng mga datos bilang batayan sa pagpaplano, at pagbibigay ng mga angkop na teknikal na tulong sa mga LGU, upang makabuo ng mga hakbang na tutugon sa kanilang aktuwal na pangangailangan.
Mula sa pagsusuri tungo sa konkretong pagkilos, patuloy na gumagabay ang DILG-CAR sa mga lokal na pamahalaan upang mas mapalakas pa ang lokal na pamamahala at mas mapahusay ang paghahatid ng mga serbisyo sa publiko.