10/05/2025
OFFICIAL STATEMENT
MAYOR KHADAFEH “TOY” MANGUDADATU
On the Pandag Clash, False Accusations, and Biased News Reporting of
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Ta'ala Wabarakatuh!
Una sa lahat, nakikiramay po ako sa pamilyang nawalan ng mahal sa buhay na nasawi sa trahedyang naganap ngayong araw, May 10, 2025. Ako rin po ay nalulungkot sa mga nadamay at naapektuhan, kabilang ang mga pamilya na napilitang lumikas. Ang buhay ng bawat isa sa ating bayan ay mahalaga at hindi dapat maging biktima ng karahasang hindi naman nila pinili.
Hindi na po ito bago. Hindi na ito ang unang beses na ginamit ni Odjie ang ganitong istilo ng paninira laban sa akin at sa aming pamilya. Sa katunayan, marami na siyang isinampang kaso laban sa akin sa mga nakaraang taon. Lahat ay pawang gawa-gawa at halatang pulitikal ang motibo. Wala sa mga kasong iyon ang may matibay na ebidensya laban sa akin. Ginagamit lang ito para sirain ang pangalan ko at pahinain ang tiwala ng mga tao sa akin.
At ngayon, gamit ang Facebook Live ni Odjie Balayman, at ilang news outlets na hindi man lang kumukuha ng aking panig, ipinipilit na ako raw ay may private army at ako ang nasa likod ng karahasan. May mga ulat pa na sinadyang pinalabas na “Deadly Clash in Pandag: Student Killed, Families Displaced as Ousted Mayor Allegedly Orchestrates Attack Through Private Army” — habang wala ni isang tanong o panig ang kinuha mula sa akin o sa aming pamilya.
Ito po ang katotohanan: wala po kaming kinalaman sa kahit anong armadong grupo o pagsalakay. Hindi ho namin kailanman gagamitin ang dahas para makuha o manatili sa pwesto. Para din sa pagkakaalam ng lahat: Ako po ang kasalukuyang Mayor ng Pandag. Andito ako naninilbihan at hindi nagtatago kahit ano pa ang ibato nila sa akin.
Dahil dito, kami ay kikilos upang magsampa ng nararapat na legal na aksyon laban kay Odjie Balayman kaugnay sa kanyang mga mapanirang pahayag, kasinungalingan, at gawa-gawang akusasyon laban sa akin at sa aking pamilya. Panahon na para matigil ang ganitong klaseng pulitika ng paninira dito sa bayan ng Pandag. Hindi ito makakatulong sa ating bayan at lalo lamang nitong inilalagay sa panganib ang kapayapaan at pagkakaisa.
Kaya’t sa mga mamamahayag at news outlets: Panagutin din natin ang sarili natin. Ang tanging basehan ng kwento ninyo ay ang kalaban kong sa politika na halatang desperado na. This kind of one-sided and reckless reporting is a direct violation of the basic tenets of responsible journalism—TRUTH, ACCOUNTABILITY, and FAIRNESS. Hindi po ito ang klase ng pamamahayag na nararapat sa sambayanang Pilipino.
At sa aking mga kababayan at minamahal na mga taga-Pandag: huwag po tayong magpagamit. Huwag po tayong magpadala sa takot o paninira. Nakalulungkot ang mga nangyari, pero mas nakalulungkot kung hahayaang magpatuloy ang kasinungalingan.
Nananawagan din ako sa AFP, PNP, DILG, COMELEC, at mga kinauukulan na magsagawa po ng patas na imbestigasyon. Tukuyin ang totoo. Panagutin ang dapat managot—kahit sino pa siya.
Sa huli, ang katotohanan ang mananaig. At hindi kailanman matatalo ng intriga ang taong totoo ang layuning maglingkod.
MAYOR KHADAFEH “TOY” MANGUDADATU
Municipal Mayor, Pandag
May 10, 2025