07/03/2023
NAHIHIRAPAN KA BA MANINGIL NG UTANG? ALAM MO BA NA HINDI MO KAILNGAN NG ABOGADO PARA MAKASINGIL? ALAMIN MO LANG ANG TAMANG PROSESO SA PANININGIL.
Una, DEMAND LETTER
Magpadala ka ng demand letter o sulat na nagsasaad na ikaw ay naniningil. Ang sabi ng batas, dapat may demand para magkaroon ng delay. Kapag may delay, pwede ka na maghain ng reklamo. Maliban kung nakalagay sa inyong usapan o kontrata na due and demandable na ang utang ng hindi kailangan ng demand.
Iniisip niyo siguro na kailangan ng abogado para makagawa ng demand letter no? HINDI kailangan. Ikaw na mismo ang gumawa ng demand letter. Pero ano naman ang nilalaman ng demand letter? Kailngan lang na ikaw ay maningil, lagyan mo ng halaga at deadline, mga tatlo hanggang limang araw pagkatanggap ng sulat. Oo nga pala, pwede ka lang humingi ng interest kung ito ay nakasulat sa kontrata.
May mga nagtatanong din, pwede ba magdemand ng verbally, o sa salita lamang? Oo naman, pwede, siguraduhin mo lang na may witness ka at maihaharap mo sa korte o opisina na didinig ng kaso, kung iyan ay aabot pa sa ganoon. Eh kung narinig ng kapitbahay mo na ikaw ay nag demand, pwede ba siya ang witness o testigo mo? Yes, pwede, as long as siya ay maihaharap mo sa husgado o opisina na pinag rereklamuhan mo.
Pangalawa, BARANGAY
Kapag hindi tinugunan ang iyong demand o paniningil, dedepende ang daloy ng kaso sa kung kayo ay nakatira o residente ng parehas na bayan (City or Municipality) o hindi.
Simulan natin kung kayo ay nakatira o residente ng magkaiba ng bayan. Ipunin mo na lahat ng dokumento mo at dalhin sa korte. Sabi ng batas hindi niyo na kailangan dumaan sa barangay.
Kung kayo naman ay nakatira o residente na nasa parehas na bayan (city or municipality), magpunta ka muna sa barangay kung saan residente ang sinisingil at mag hain ng complaint para ipatawag ang sinisingil mo. Bawal ang abogado sa mga hearing sa barangay, maliban nalang kung abogado ang nagreklamo o inireklamo.
Kung mag karoon kayo ng kasunduan, good. Kung hindi pa din nagbabayad pagkatapos ng tatlong hearing, bibigyan ka ng barangay ng Certificate to File Action, ito ay isang dokumento na kinakailngan isama sa inyong reklamo sa hukuman or korte. Ito ay isang katibayan na pwede na magsampa ng kaukulang aksyon sa korte, o sa kaukulang tanggapan ng gobyerno.
Pangatlo, KORTE
Sa korte na tayo. Depende kung ang kabuuang utang ay hindi lalagpas ng Isang Milyong Piso (Php 1,000,000.00) o lalagpas.
Kung hindi naman lalagpas ng isang milyon, swerte ka dahil napakabilis lang ng proseso. Hindi mo pa kailangan ng abogado. Ikaw na mismo ang haharap sa judge.
Pumunta ka lamang sa Municipal, Metropolitan, Municipal Trial Court in Cities, o ang tinatawag na MTC or MTCC kung saan ka residente o kung saan residente ang may utang sayo. Sabihin niyo na kayo ay magfifile ng SMALL CLAIMS na kaso at kumuha ng small claims form.
Mababait ang mga korte, tumutulong sila kung papaano niyo sasagutan ang small claims form. Pagkatapos niyo sagutan, lagdaan, pa notaryuhan niyo at magbayad ng docket fee. Huwag po kayo mag alala, maliit lang naman po ang docket fee. Siguraduhin niyo lang din na kompleto ang mga dokumento niyo o mga testigo niyo.
Oo ng apala, hindi na ito magtatagal katulad ng ordinaryong kaso kasi hindi ito appealable. Ibig sabihin, kung makita ng judge na may utang nga ang kabilang partido o ang inihabla, base sa mga testimonya at ebidensya na iyong iprinisenta, uutusan agad magbayad ang kinasuhan.
Kung ito naman ay lagpas sa isang milyong piso, hindi na papasok sa small claim case o sa small claims court. Sa ganitong kaso, kailangan mo na kumuha ng abogado dito.
Pagkatapos niyo maifile and complaint at makabayad ng docket fees, padadalahan na ng summons ang inireklamo.
Kung may katanungan po kayong legal o may gusto kayo ikonsulta sa Abogado natin sa Konseho, Kosehal Atty. Ge Teruel, maari kayo pumunta sa Calamba City Hall, 3rd Floor, at magpaschedule ng appointment.
Panghuli, Kung kayo ay nautangan at nahihirapan maningil o ginhost na kayo ng umutang sa inyo, huwag niyo daanin sa social media ang paniingil. Nako, kayo pa ang mahahassle kasi pwede kayo makasuhan ng Cyber Libel. Yan ang palagian bwelta sa mga naniningil sa social media o online.
Ikaw na nga inutangan, ikaw pa nakasuhan ng Cyber Libel. Kaya, sundin niyo nalang itong proseso na ito. Mag tiwala kayo sakin, hindi ito mahirap, para lang kayo naglalakad ng ibang mga papeles sa city hall o barangay.
Last but not the least, ang pinaka importante: huwag ka magpapautang kung may posibilidad na mahihirapan ka maningil o hindi ka na mababayaran. Kung magpapautang ka man, yun halaga na pwede na hindi singilin. Depende na yan kung gaano ka kayaman hehe
At kung kayo naman ay mangungutang, magbayad naman kayo. Naiinitindihan ko na meron mga tao na kailangan na kailngan talaga, pero siguraduhin niyo lang na makakabayad ka kahit paunti unti. Mahirap din naman po yun may galit o maraming galit sayo dahil may utang ka o marami ka pinag kakautangan. Dito kasi sa atin, ang babait pag nangungutang, panay pangako pa. Pero pag singilan na, nakakahiya maningil, o parang ikaw pa ang masama o walang pakisama. PAG SINGILAN NA, NAKAKAHIYA MANINGIL. Hindi pa alam ng nautangan kung papaano sisimulan maningil.
Sana po ay nakatulong ang post na ito. God Bless po!