17/10/2025
BAGONG PNP PARA SA BAGONG PILIPINAS: INTEGRITY MONITORING
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang integridad, pananagutan, at propesyonalismo sa serbisyo publiko, patuloy na pinagtitibay ng Philippine National Police (PNP) ang Focus Agenda nito sa Integrity Monitoring—isang mahalagang haligi sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Pinangungunahan ito ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na siyang tagapangalaga ng disiplina at integridad ng organisasyon. Noong 2024, nakapagsampa ang IAS ng 2,857 kaso laban sa mga pulis na lumabag sa batas o patakaran. Mula Enero hanggang Setyembre 2025, umabot ito sa 3,288 kaso, patunay ng mas maigting na pagpapatupad ng disiplina sa lahat ng antas.
Sa parehong panahon, nakatanggap ang IAS ng 2,041 reklamo, nakatapos ng 1,508 pre-charge investigations, at nalutas ang 1,041 kaso, na nagpapakita ng patuloy na paghusay sa case management at pagsunod sa due process.
Isinagawa rin ng IAS ang 16,735 inspeksyon sa buong bansa, kabilang ang 75,458 spot, 5,807 proactive, at 10,928 special inspections kaugnay ng mga pambansa at lokal na aktibidad—bilang pagsiguro sa kahandaan, pagsunod, at pananagutan ng mga yunit ng pulisya.
Kapansin-pansin din ang 37% pagbaba ng mga paglabag, mula 6,244 noong 2024 tungo sa 3,912 ngayong taon, na nagpapahiwatig ng mas pinatibay na disiplina at mas mahigpit na command supervision.
Sa pamamagitan ng mga programang IMPLAN PANTA, SALIKOP, at BASINGCAWEL, tinututukan ng IAS ang mga isyu sa command responsibility, unauthorized protective services, at mga paglabag kaugnay ng halalan. Kasabay nito, sa ilalim ng Community Service-Oriented Policing (CSOP), naabot ng IAS ang 2,185 miyembro ng komunidad ngayong taon—isang hakbang patungo sa mas matatag na ugnayan sa mamamayan.
Sa pagdiriwang ng 26th Founding Anniversary ng IAS noong Oktubre 15, 2025, inilunsad ang Investigator’s Handbook at Inspection Handbook—ang kauna-unahang gabay na magbibigay ng iisang pamantayan sa lahat ng imbestigador at inspektor ng IAS sa buong bansa. Ang mga handbooks na ito ay itinuring na “blueprint ng integridad at disiplina,” sagisag ng walang humpay na paninindigan sa katotohanan, katarungan, at tamang proseso.
“Ang pagpapanatili ng disiplina at integridad ay hindi lamang tungkulin, kundi isang moral na kasunduan natin sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. “Sa pamamagitan ng mas malinaw na monitoring at transparent na proseso, tiniyak natin na bawat pulis ay karapat-dapat sa kanilang uniporme ng PNP.”
“Ang IAS ang konsensya ng ating organisasyon. Bawat inspeksyon, bawat kaso, at bawat hakbang sa reporma ay may isang layunin: tiyakin na ang PNP ay kumakatawan sa katapatan, propesyonalismo, at tunay na serbisyo publiko.”
Sa patuloy na reporma at masusing pagbabantay, tiniyak ng PNP na ang integridad ay hindi lamang pamantayan kundi araw-araw na gawi. Bawat kilos ng pananagutan ay nagpapatibay ng tiwala ng mamamayan sa ating kapulisan.