03/09/2026
NAPOLCOM N’yo Po! Mga Lingkod-Bayan ng NAPOLCOM
ATTY. BIENVENIDO MANDAC
Chairman ng Regional Appellate Board
NAPOLCOM MIMAROPA
Sa likod ng bawat desisyon ay isang paninindigan para sa katarungan.
Para kay Atty. Bienvenido Mandac, Chairman ng Regional Appellate Board ng NAPOLCOM MIMAROPA, ang paglilingkod sa Komisyon ay higit pa sa pagganap ng isang tungkulin. Ito ay isang patuloy na paninindigan para sa katarungan, integridad, due process, at disiplina sa hanay ng kapulisan.
Sa loob ng apat na taon sa NAPOLCOM, bahagi ng kanyang araw-araw na gawain ang case consultations, masusing pagsusuri ng mga kaso, at paghahanda ng mga desisyon at resolusyon. Sa bawat isa, nananatili siyang gabay ng paniniwalang ang mga desisyon ay dapat na mabilis, makatarungan, at nakabatay sa merito.
Para kay Atty. Mandac, mahalagang mapanatili ang tamang balanse sa pagitan ng kapangyarihan ng Estado na magpatupad ng disiplina, karapatan ng bawat indibidwal sa due process, at sama-samang hangarin para sa kapayapaan at kaayusan.
Bilang Chairman ng Regional Appellate Board, nais niyang maging higit pa sa isang proseso ang police discipline, dapat itong magkaroon ng sustansya, diwa, at tunay na epekto sa pagpapanatili ng pananagutan sa hanay ng kapulisan. Sa pamamagitan ng kapangyarihang mag-review ng mga kaso, nagsisilbi ang Board bilang isang mahalagang pananggalang upang matiyak na naipatutupad ang katarungan, napapanagot ang mga nagkakasala, at nananatiling may matatag na oversight sa police force.
Ngunit sa kabila ng kanyang mga karanasan at responsibilidad, patuloy niyang tinitingnan ang sarili bilang isang estudyante at manlalakbay, laging handang matuto, magsuri, at tuklasin ang patuloy na nagbabagong mundo ng batas, mga alituntunin, at jurisprudence.
Para sa kanya, ang patuloy na pagkatuto ang nagpapalakas sa resilience, efficiency, stamina, at passion na kinakailangan sa araw-araw na paglilingkod.
Sa NAPOLCOM, ang bawat lingkod-bayan ay may kuwentong humuhubog sa paraan ng kanyang paglilingkod.
At sa kwento ni Atty. Mandac, ang katarungan ay hindi lamang tungkol sa paghatol sa tama at mali, ito ay tungkol sa paninindigan, pananagutan, at malasakit sa mas malaking layunin ng paglilingkod sa bayan.
NAPOLCOM N’YO PO!
Mga taong nasa likod ng serbisyong para sa bayan.
Ulat mula sa NAPOLCOM MIMAROPA