25/09/2026
NAPOLCOM N’yo Po! Mga Lingkod-Bayan ng NAPOLCOM
ATTY. DEVIE J. BACOMO-REGIS
Attorney V/Chief, Regional Legal Unit
NAPOLCOM Region VII
Sa likod ng mga dokumento, pagdinig, imbestigasyon, at legal na opinyon ay isang lingkod-bayan na pinipiling gawin ang tama, kahit hindi ito palaging nakikita.
Si Atty. Devie J. Bacomo-Regis, Attorney V at Chief ng Regional Legal Unit ng NAPOLCOM Region 7, ay nagsisilbi rin bilang Provincial Officer for Cebu at City Officer for Mandaue. Sa kanyang tungkulin, bahagi ng kanyang araw ang pag-iimbestiga sa mga benefit claims ng PNP, pagdinig sa mga kasong Summary Dismissal, paghahanda ng mga abiso at subpoena, at pagbibigay ng legal na payo at teknikal na tulong sa mga kliyente at katuwang ng NAPOLCOM.
Ngunit para kay Atty. Regis, higit pa sa mga kasong kailangang resolbahin at dokumentong kailangang ihanda ang tunay na halaga ng kanyang trabaho. Pinakamakabuluhan para sa kanya ang pagiging claims investigator, summary hearing officer, at ang pagkakataong makapagbahagi ng kaalaman tungkol sa crime prevention sa PNP, mga paaralan, at komunidad.
Dito niya nakikita ang tunay na saysay ng paglilingkod: sa pagbibigay ng patas na pagsusuri, tamang payong legal, at pagtiyak na nabibigyan ng due process ang mga nasasangkot. Sa ganitong paraan, nakatutulong siya sa pagpapanatili ng disiplina, integridad, at propesyunalismo sa hanay ng pulisya, habang pinatitibay ang tiwala ng publiko sa sistema ng pagpapatupad ng batas.
Para kay Atty. Regis, isang pagpapahalaga ang palagi niyang isinasabuhay: integrity. At sa araw-araw, pinapaalalahanan niya ang sarili na ang tunay na sukatan ng paglilingkod ay hindi nasusukat sa papuri o pagkilala, kundi sa tahimik at tapat na pagtupad sa tungkulin.
Sa Cebu at Mandaue, patuloy na naglilingkod si Atty. Devie, hindi para mapansin, kundi upang matiyak na sa bawat proseso, may hustisya; sa bawat tungkulin, may integridad; at sa bawat serbisyo, may malasakit sa kapwa Pilipino.
Ito ang NAPOLCOM N’yo Po!
Mga lingkod-bayan na tahimik na gumagawa ng kanilang bahagi upang mapanatili ang isang propesyonal, disiplinado, at mapagkakatiwalaang kapulisan.
Ulat mula sa NAPOLCOM Regional Office No. VII