12/02/2026
TANONG NG BAYAN | Anong proyekto o programa ang maaaring ipatupad gamit ang 20% Development Fund (DF)?
Alinsunod sa Seksyon 287 ng Local Government Code of 1991, ang bawat yunit ng lokal na pamahalaan ay dapat maglaan sa kanilang taunang badyet ng hindi bababa sa dalawampung porsyento (20%) ng kanilang taunang National Tax Allotment (NTA) para sa mga development projects o mga proyektong pampaunlad.
Ang mga LGU ay inaatasan na sundin ang mga sumusunod na patakaran at alituntunin sa paglalaan at paggamit ng 20% DF:
1. Ito ay dapat gamitin upang pondohan ang mga prayoridad na proyektong pampaunlad ng LGU, gaya ng nakasaad sa kanilang mga aprubadong local development plans, at medium-term at annual investment programs, na dapat ay tumutugma naman sa Regional at Philippine Development Plan.
2. Mga proyektong pampaunlad na kinakailangan, angkop, o mahalaga para sa mahusay at epektibong lokal na pamamahala, at ang mga esensyal sa pagtataguyod ng pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayan.
3. Maaaring humingi ng teknikal na tulong mula sa mga Pambansang Ahensya ng Pamahalaan (NGAs), gaya ng (ngunit hindi limitado sa) Kagawaran ng Agrikultura, DBM, DepEd, DENR, DOF, DOH, DILG, DPWH, DSWD, at NEDA, upang matukoy ang mga mas makabuluhan at tumutugon na proyektong pampaunlad na maaaring isama sa 20% DF. Ito rin ay upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayang itinakda ng mga nasabing ahensya.
Ang layunin ng pondong ito ay siguruhing may long-term benefit ang bawat sentimo sa ating mga mamamayan!
Basahin ang buong detalye ng DBM-DOF-DILG Joint Memorandum Circular No. 1 series of 2024 sa link na ito: https://tinyurl.com/DBM-DOF-DILGJMCNo1s2024