03/06/2026
TINGNAN|| Deliberation Board para sa mga Aplikante ng Basic Citizen Military Training, sinagawa sa himpilan ng 602nd Brigade
Nitong umaga ng Lunes, ika-01 ng Hunyo 2026, pormal na isinagawa ang pagsusuri sa mga boluntaryong aplikante na nagnanais maging bahagi ng Reserve Force ng Philippine Army. Ang aktibidad ay ginanap sa himpilan ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade, 6ID, PA bilang bahagi ng maingat na proseso ng pagpili sa mga kwalipikadong kalahok ng Basic Citizen Military Training (BCMT).
Pinangunahan nina Colonel Gremel B Brual PA, Deputy Brigade Commander, 602nd Brigade, ang pagsasagawa ng panayam sa mga aplikante katuwang sina Colonel Samad R Gayak Jr. PA, Deputy Group Commander, 16th Regional Community Defense Group (16RCDG), kasama ang iba pang miyembro ng deliberation board.
Sa isinagawang deliberasyon, masusing sinuri ang personal na background, motibasyon, kakayahan, at kahandaan ng bawat aplikante upang matiyak na sila ay may sapat na disiplina, dedikasyon, at malasakit sa bayan na kinakailangan sa pagiging reservist. Tinalakay rin ang kanilang mga posibleng ambag sa pagpapatibay ng pambansang seguridad, pagtugon sa kalamidad, at pagsuporta sa mga gawaing pangkaunlaran sa kanilang mga komunidad.
Ang mga aplikanteng makapapasa sa nasabing proseso ay sasailalim sa Basic Citizen Military Training, isang programang naglalayong ihanda ang mga sibilyan sa mga batayang kaalaman sa pagiging sundalo, disiplina, pamumuno, disaster response, at iba pang kasanayang makatutulong sa pagtatanggol sa bansa at paglilingkod sa mamamayan. Ang pagsasanay ay inaasahang tatagal ng humigit-kumulang apatnapu't limang (45) araw.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na pinalalakas ng Philippine Army ang Reserve Force bilang mahalagang katuwang sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagtugon sa mga hamon at pangangailangan ng sambayanan sa panahon ng kalamidad at iba pang krisis.
40 Infantry "Magiting" Battalion
6th Infantry "Kampilan" Division, Philippine Army
2nd CMO Kaagapay Company
7th Infantry - TAPAT Battalion
33rd Infantry Makabayan Battalion