17/07/2026
Bakasyon o Sakripisyo? Isang Pagsilip sa Buhay ng mga Kadete sa Northern Samar
Ang pinakamasarap na bakasyon ay panandalian lamang, ngunit ang karangalan ng paglilingkod sa bayan ay nananatili habambuhay.
BAKASYON NA! Dalawang maikling salita na sadyang napakasarap pakinggan para sa mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa kanilang puso’t isipan, ito ang panahong maaari na silang makapagpahinga—hindi lang ng utak, kundi maging ng mga katawang pagod sa halos araw-araw na pakikibaka sa akademya.
Ito ang oras para magliwaliw kasama ang pamilya at mga kaibigan, humilata maghapon, manood ng mga paboritong palabas, o gumawa ng anumang libangang makapagpapasaya sa kanila. Kay sarap talaga tuwing bakasyon! Lalo na sa makabagong panahon ngayon kung saan mas pinadali at pinagaan na ang buhay ng mga kabataan dahil sa teknolohiya.
Sa gitna ng ganitong karangyaan, mayroon pa nga ba kayang mga kabataang nakahandang tumalikod sa komportableng buhay? Mayroon pa bang handang tahakin ang mahirap na landas upang magsilbi sa ating bayan?
Oo, mayroon pa.
Sila ang matatapang na kadete na bumubuo sa ROTC Summer Camp Training (RSCT) at Philippine Army Advance ROTC Academic Phase Training (PAARAPT) Class 10-2026. Sila ay mga kabataang nagmula sa iba’t ibang sulok ng Northern Samar—mga kabataang may iba’t ibang pinagmulan, samu’t saring karanasan, at kanya-kanyang kwento. Subalit, pinag-iisa sila ng isang nag-aalab at marubdob na pangarap: ang magsilbi at ipagtanggol ang bansang kanilang kinagisnan.
Hindi lahat ng kabataan ay nakararanas ng nakasanayang masayang bakasyon. Ang ilan sa kanila ay matapang na pumili sa landas na iilan lamang ang naglalakas-loob na dumaan—isang landas na bagamat puno ng hirap, ay siyang tanging paraan upang marating ang kanilang pinakamimithing pangarap: ang mamuno sa pagtatanggol sa ating bansa.
Ang RSCT at PAARAPT ay mga pagsasanay na aprubado ng Philippine Army at ipinapatupad ng Reserve Command sa pamamagitan ng iba’t ibang Regional Community Defense Groups (RCDG) sa buong bansa tuwing bakasyon. Ito ay isang mandatoryong pagsasanay upang opisyal na matawag na isang ganap na Advance ROTC Officer ang isang kadete.
Sa training na ito, hindi lamang talas ng isip ang sinusubok, hindi lang lakas ng katawan o tibay ng dibdib. Higit sa lahat, dito sinusukat ang lakas ng kanilang determinasyon na ipagpatuloy ang laban na kanilang sinimulan.
Isa sa mga unang pagsubok na kailangang malampasan ng mga kadeteng ito ay ang “Reception Rites.” Sa karaniwang kahulugan, ang reception ay isang masayang kainan o pagdiriwang. Subalit sa mundo ng militar, ito ay isang tradisyunal na seremonya sa simula ng pagsasanay. Dito opisyal na tinatanggap ang mga bagong sibilyang aplikante upang simulan ang kanilang transisyon patungo sa buhay-militar. Sa bahaging ito sinusukat ang disiplina, katatagan, at mentalidad ng isang kadete kung handa nga ba niyang yakapin ang tunay na buhay ng pagiging sundalo.
Sa kabanatang ito, maaaninag mo sa kanilang mga mukha ang matinding pagod at hirap. May ilan pa ngang tila mababakas ang pagsuko kahit hindi pa nagsisimula ang tunay na laban. Hindi man madaling pagdaanan ang reception rites, nakahanda silang tiisin ang lahat malampasan lamang ang ganitong pagsubok para sa kanilang pangarap.
Bukod sa reception rites, isa pang malaking hamon sa pagsasanay na ito ay ang Physical Fitness Test (PFT). Dito sinusukat ang kanilang liksi at lakas na kinakailangan sa pagtatanggol sa bayan. Araw-araw, habang ang ibang kabataan ay ninanamnam ang sarap ng bakasyon—kung saan maaari silang gumising sa kahit anong oras nila gustuhin—ang mga kadete naman ay kailangang bumangon sa madaling-araw upang ihanda ang katawan at maipasa ang PFT.
Tunay na hindi madali ang halos isang buwang training ng ating mga kadete.
Hindi madali ang gumising nang madaling-araw para sa mabibigat na ehersisyo…
Hindi madali na kahit gustong-gusto mo nang matulog dahil sa pagod ay kailangan mo pa ring makinig sa klase…
Hindi madali ang mawalay sa pamilya sa kanilang murang edad…
At lalong hindi madali na isakripisyo ang komportableng buhay at ang masayang bakasyon na kapiling ang mga mahal sa buhay…
Subalit, upang maging isang tunay na pinuno sa darating na bukas at mamuno sa pagtatanggol sa ating inang bayan, walang hirap o pagsubok na hindi kayang harapin ng mga kabataang ito—ang mga kabataang siyang tunay na pag-asa ng ating pinakamamahal na Pilipinas.
Ikaw, bilang kabataan na itinuturing na pag-asa ng ating bayan, , ano ang kaya mong ialay para sa iyong lupang sinilangan?
"Huwag mong itanong kung ano ang magagawa ng iyong bansa para sa iyo, kundi itanong mo kung ano ang magagawa mo para sa iyong bansa."
— John F. Kennedy
&PAAARAPTCL10-2026