11/12/2025
2 Pamilyang 4Ps na Binigyan ng Bahay ng DHSUD, Dinalaw ni DSWD Secretary Rex Gatchalian
Sinurpresa ni DSWD Secretary REX Gatchalian kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling ngayong Huwebes (Disyembre 11) ang dalawang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kabilang sa mga nakakuha ng abot-kayang pabahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) sa Abuab Tower, Guitnang Bayan II, San Mateo, Rizal.
Ang dalawang pamilyang napagkalooban ng bahay ay maituturing na Level 3 na sa 4Ps. Ibig sabihin sila ay nakalampas na sa self-sufficiency level of well being at may kakayahan na ring makapagbayad ng buwanang hulog sa murang pabahay ng pamahalaan.
Sa pamumuno ni Secretary Gatchalian, ang proyektong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na bigyan ng disenteng bahay ang mga Pilipino na nasa ilalim ng 4Ps para maging kumportable at marangal ang kanilang buhay. Ang bagong tahanan ang simula ng katuparan ng mga pangarap ng mga pamilya sa 4Ps.
Kasama rin sa pagbisita ang iba pang opisyal ng DSWD na sina Assistant Secretaries Marites Maristela at Elaine Fallarcuna mula sa Conditional Cash Transfer Group (CCTG), at Assistant Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response and Management Group (DRMG). Dumalo rin sa aktibidad si DHSUD Undersecretary Eduardo Robles Jr. at San Mateo Mayor Bartolome Rivera Jr.
❤️