23/07/2026
πππππππ: LTO CHIEF, NAGBABALA SA MGA CAR AT MOTORCYCLE DEALERS UKOL SA PAGPROSESO NG OR, CR, AT PLAKA; SUSPENSYON AT PAGPAPASARA, TITIYAKIN SA MGA LALABAG
Patuloy na pinaiigting ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng mga umiiral na patakaran upang matiyak na maayos, tama, at nasa itinakdang panahon ang pagproseso ng Official Receipt (OR), Certificate of Registration (CR), at rehistradong plaka ng mga bagong sasakyan.
Sa direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, nagsagawa ang ahensya ng dalawang araw na pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng mga accredited car at motorcycle dealers noong Hulyo 20 at 21, 2026 sa LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City.
Sa naturang pagpupulong, iginiit ni Asec. Lacanilao na may pananagutan ang bawat accredited dealer na tiyaking kumpleto, tama, at agad na naipapasa sa LTO ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa pagpaparehistro ng mga bagong sasakyan. Aniya, hindi dapat maipasa sa mga motorista ang epekto ng kapabayaan o hindi pagsunod ng mga dealer.
Nagbabala rin si Asec. Lacanilao na pananagutin ang sinumang accredited dealer na mapapatunayang paulit-ulit na lumalabag sa mga itinakdang proseso, nagsusumite ng hindi kumpleto o maling dokumento, o nagiging sanhi ng hindi makatwirang pagkaantala sa pagproseso ng OR, CR, at plaka. Binigyang-diin niya na hindi mag-aatubili ang LTO na magpatupad ng kaukulang administratibong parusa, kabilang ang suspensyon o pagpapasara ng mga dealerships na mapapatunayang lumalabag.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kinatawan ng mga accredited car at motorcycle dealers na ihayag ang kanilang mga katanungan, mungkahi, at hinaing, na personal na pinakinggan at tinugunan ni Asec. Lacanilao sa pamamagitan ng paglilinaw sa mga umiiral na polisiya at pagbibigay ng kaukulang direktiba. Nakiisa rin si Operations Division Chief Kathleen G. Salayog at ilang kawani ng LTO sa pagsagot sa mga katanungan at pagbibigay ng mga kinakailangang paglilinaw.
Sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon at pagpapanagot sa mga lumalabag, patuloy na isinusulong ng LTO ang isang mas maayos, mas responsable, at mas episyenteng sistema ng pagpaparehistro ng mga bagong sasakyan para sa kapakinabangan ng bawat Pilipinong motorista.