03/10/2025
MAFAR, Nagsagawa ng Site Validation at Pagsusuri ng Peste sa mga Palayan ng Northern Kabuntalan
Oktubre 2, 2025, nagsagawa ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng site validation at pagsusuri ng peste sa mga palayan ng Barangay Labio, Gayonga, at Damatog sa Northern Kabuntalan, Maguindanao del Norte.
Pinangunahan ito ng mga tauhan mula sa MAFAR Regulatory at Regional Office, kasama sina Municipal MAFAR Officer (MMO) Alirashid Dilangalen at Agriculturist I Boharie Maulana na siyang gumabay sa inspeksyon sa bawat barangay. Tatlong magsasaka mula sa bawat barangay ang sinuri ang kani-kanilang palayan upang matukoy ang kondisyon ng kanilang pananim at ang posibilidad ng pamumugad ng peste.
Bukod sa inspeksyon, binigyan din ng payo at oryentasyon ang mga magsasaka kung paano mapapangalagaan ang kanilang palayan para sa masaganang ani at tuloy-tuloy na produksyon.
Ipinapakita ng gawaing ito ang patuloy na suporta ng MAFAR sa mga magsasaka tungo sa mas ligtas na ani at matatag na seguridad sa pagkain.