06/08/2026
Ligtas Tigdas inilunsad sa Sorsogon, layunin na mabakunahan ang mahigit 647,092 na mga bata sa Bicol
“Kaya natin paulit-ulit na isinusulong ang bakuna dahil ito ang pinaka-epektibong proteksyon ng bata laban sa tigdas, tigdas hangin, at iba pang sakit. Ito ay masusing pinag-aralan ng mga eksperto dahil sa sunod-sunod na pagtala ng mga outbreak at malubhang sakit gaya ng tigdas at tigdas hangin.”
Ito ang mensahe ni DOH Bicol CHD Assistant Regional Director na si Dr. Joel H. Buenaventura sa ginanap na Regional Kick-Off ng ang Ligtas Tigdas Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR SIA) noong August 4, 2026 sa Sorsogon Provincial Gymnasium, Sorsogon City.
Panimula ito para sa sabay-sabay na pagbabakuna sa August 10, 2026 hanggang August 28, 2026 sa buong Bicol.
Hinihikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na edad 6-59 buwan laban sa mga vaccine-preventable disease tulad ng measles (tigdas) at rubella (tigdas hangin). Ito ay libre sa mga rural health units, city health offices, at barangay health centers.
Ito ay matapos maitala ang labing-limang kaso ng tigdas at limang kaso ng tigdas hangin sa rehiyon, ayon sa datos mula sa Department of Health, na agad namang naputol ang transmisyon ng sakit.
Layunin ng Ligtas Tigdas MR SIA na mabakunahan ang lahat ng batang 6-59 months. Ito ay kasunod ng Ligtas Tigdas MR SIA noong 2023 kung saan 86% lamang ang naging coverage rate sa buong Bicol.
Labing-anim na mga bata ang nabakunahan ng Measles-Rubella vaccine sa ceremonial vaccination na pinangunahan ni ARD Buenaventura at mga health care workers.
Target ng National Immunization Program na mabakunahan ang 647,092 na mga bata sa buong Bicol. Sa Sorsogon, target na mabakunahan naman ang 85,760 na mga bata. Ito ay upang makamit ang 95% target coverage ng Fully Immunized Child para sa buong rehiyon.
Kasama sa aktibidad ang representatives ng Provincial Government of Sorsogon, City Government of Sorsogon, Philippine National Police, Philippine Pediatric Society, barangay health workers, Human Resource for Health, barangay councils, at iba pang stakeholders.
Maglulunsad din ng Ligtas Tigdas MR SIA launching ang iba pang probinsya at patuloy ang bakunahan sa mga health center upang mas mapataas ang vaccination coverage at proteksyon ng bawat bata sa buong rehiyon . (DOH5/MDUB)