27/05/2025
PAGLILINAW UKOL SA MGA KUMAKALAT NA FAKE NEWS KAUGNAY NG INSIDENTE NOONG MAYO 26, 2025
Kami po sa Barangay Salitran 3 ay lubos na nalulungkot at nagdadalamhati sa malagim na insidenteng naganap noong Mayo 26, 2025, habang ginaganap ang flag raising ceremony, kung saan trahedyang nawala sa atin sina Kapitan Raul Ballos, Kagawad Marvin Cañete, at Kagawad Jose "Pepe" Era. Nasaktan din sa insidente ang aming SK Secretary.
Nais naming linawin ang ilang maling impormasyon na kasalukuyang kumakalat sa social media at iba't ibang plataporma. Ang suspek sa pamamaril ay isang Barangay Tanod na matagal nang naka-leave ng ilang buwan kahit walang Formal Letter na ibinibigay. Sa kabila ng kanyang hindi pagduduty, patuloy pa rin siyang pinapasahod ng Barangay bilang konsiderasyon sa kanyang kalagayang pangkalusugan at upang matulungan sa pagbili ng kanyang mga gamot.
Noong buwan ng Abril, isang pormal na resolusyon ang ipinasa para sa pagpapatupad ng "No Work, No Pay" Policy, na ipinaabot at ipinaliwanag sa lahat ng empleyado ng barangay, kabilang na ang nasabing Tanod. Sa kabila nito, pinagbigyan pa rin siya na tumanggap ng buong sahod hanggang katapusan ng Abril. Bukod pa rito, nakatanggap din siya ng buong Mid-Year Bonus. Nagpasa rin siya ng sulat na nagsasaad na hindi pa rin siya makakapasok sa tungkulin para sa buwan ng Mayo 1–31, 2025. Alam ng nasabing Tanod ang umiiral na polisiya sa Barangay.
Kaya't labis ang aming pagtataka at lungkot kung paanong humantong sa karahasang ito ang mga pangyayari. Anumang dahilan, hindi kailanman magiging tama ang pumatay ng kapwa.
Kami po ay nananawagan sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon, pati na rin ang pag-post ng mga video at larawan ng mga biktima, bilang respeto sa mga naiwang pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi.
Nawa’y manatili ang katahimikan at respeto sa gitna ng aming pagluluksa.
Mula sa Pamahalaang Barangay ng Salitran 3