15/07/2026
𝐓𝐀𝐓𝐋𝐎𝐍𝐆 𝐖𝐈𝐍𝐆 𝐕𝐀𝐍 𝐓𝐑𝐔𝐂𝐊, 𝐓𝐈𝐌𝐁𝐎𝐆 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐆𝐊𝐀𝐊𝐀𝐇𝐈𝐖𝐀𝐋𝐀𝐘 𝐍𝐀 𝐎𝐏𝐄𝐑𝐀𝐒𝐘𝐎𝐍 𝐍𝐆 𝐋𝐓𝐎 𝐂𝐀𝐋𝐀𝐁𝐀𝐑𝐙𝐎𝐍; 𝐇𝐈𝐍𝐃𝐈 𝐑𝐄𝐇𝐈𝐒𝐓𝐑𝐀𝐃𝐎, 𝐏𝐄𝐊𝐄𝐍𝐆 𝐃𝐎𝐊𝐔𝐌𝐄𝐍𝐓𝐎 𝐀𝐓 𝐈𝐋𝐄𝐆𝐀𝐋 𝐍𝐀 𝐏𝐋𝐀𝐊𝐀, 𝐍𝐀𝐁𝐈𝐒𝐓𝐎
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at sa patnubay nina Department of Transportation Acting Secretary Atty. Giovanni Z. Lopez at LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, na tiyaking ligtas, maayos, at disiplinado ang paggamit ng mga lansangan, patuloy na pinaigting ng LTO CALABARZON ang pagpapatupad ng mga batas at regulasyong pangkalsada.
Sa ilalim ng pamumuno ni LTO CALABARZON Regional Director Elmer J. Decena, higit pang pinalakas ang mga law enforcement operations laban sa mga motoristang, operator, at may-ari ng sasakyang lumalabag sa mga umiiral na batas-trapiko. Layunin ng pinaigting na kampanyang ito na mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan, maisulong ang disiplina sa pagmamaneho, at higit sa lahat, mapangalagaan ang kaligtasan ng bawat gumagamit ng kalsada.
Bunga ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko, tatlong (3) wing van truck ang nahuli ng Land Transportation Office (LTO) CALABARZON sa magkakahiwalay na law enforcement operations na isinagawa ng LTO Cabuyao District Office, katuwang ang Regional Law Enforcement Service (RLES), sa mga lungsod ng Santa Rosa at Biñan, Laguna. Ang operasyon ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng LTO CALABARZON ng mga umiiral na batas at regulasyon upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at disiplina sa mga lansangan.
Sa isinagawang roadside inspection at beripikasyon ng mga sasakyan, natuklasan ng mga operatiba ang iba’t ibang paglabag ng mga nasabing wing van truck. Lumabas sa pagsusuri na hindi rehistrado ang mga ito at gumagamit ng mga pekeng o kuwestiyonableng dokumento. Natuklasan din ang hindi pagtutugma ng nakakabit na plaka sa aktuwal na pagkakakilanlan ng sasakyan batay sa isinagawang engine at chassis verification. Bukod dito, nahuli rin ang mga ito sa paggamit ng improvised o hindi awtorisadong plaka, na malinaw na paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon ng Land Transportation Office.
Dahil sa mga natukoy na paglabag, agad na inisyuhan ng Temporary Operator’s Permit (TOP) ang mga nasabing sasakyan alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 4136 at Joint Administrative Order (JAO) No. 2014-01.
Kasunod nito, ipina-impound ang tatlong (3) wing van truck at inendorso sa LTO Central Office upang sumailalim sa mas masusing imbestigasyon at kaukulang disposisyon. Isasailalim ang mga ito sa masusing beripikasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga iregularidad at mapanagot ang mga may kinalaman, alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Muling pinaalalahanan ni LTO CALABARZON Regional Director Elmer J. Decena ang lahat ng mga may-ari at operator ng sasakyan na tiyaking lehitimo ang kanilang mga dokumento, wasto at awtorisado ang nakakabit na plaka, at rehistrado ang kanilang mga sasakyan bago gamitin sa pampublikong lansangan.
Binigyang-diin ni RD Decena na magpapatuloy ang LTO CALABARZON sa mas pinaigting na pagpapatupad ng mga batas at regulasyong pangkalsada laban sa anumang uri ng pandaraya, paggamit ng mga pekeng dokumento at plaka, at iba pang paglabag na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko at sumisira sa integridad ng sistema ng pagpaparehistro ng mga sasakyan.
“Hindi tayo mag-aatubiling magsagawa ng kaukulang aksyon laban sa sinumang mapatutunayang lumalabag sa batas. Ang mahigpit na pagpapatupad ng ating mga regulasyon ay bahagi ng ating patuloy na layunin na matiyak ang ligtas, maayos, at disiplinadong paggamit ng mga lansangan,” ani RD Decena.