04/08/2026
SIMBAKALUSUGAN, NAGHATID NG LIBRENG SERBISYONG PANGKALUSUGAN SA HIGIT 700 MAMAMAYAN SA MATI
Mas maraming mamamayan ang nagkaroon ng pagkakataong magpatingin sa doktor, sumailalim sa iba pang serbisyong medikal, at makatanggap ng libreng gamot sa pamamagitan ng programang SimbaKalusugan na isinagawa ng DOH Davao noong August 1, 2026 sa Divine Mercy Parish sa Mati City, Davao Oriental.
Ang SimbaKalusugan ay programa ng DOH at ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na naglalayong ilapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga simbahan at parokya. Layunin nitong gawing mas madali at mas abot ng bawat Pilipino ang mga pangunahing serbisyong medikal, lalo na sa mga lugar na may limitadong access sa pangangalagang pangkalusugan.
Sa isinagawang aktibidad, tinatayang nasa higit 700 pasyente ang nabigyan ng iba't ibang libreng serbisyo tulad ng VIA screening, minor surgery, dental services, X-ray, konsultasyon para sa mga bata at matatanda, mental health services, at libreng pamamahagi ng mga kinakailangang gamot.
Naging posible ang matagumpay na programa sa pagtutulungan ng DOH Davao, Diocese of Mati, Divine Mercy Parish, St. Camillus Hospital, Davao Regional Medical Center, Provincial Health Office ng Davao Oriental, City Health Office ng Mati, at iba pang katuwang mula sa pampubliko at pribadong sektor.
Pinangunahan ang aktibidad nina DOH Davao OIC Assistant Regional Director Dr. Grace D. Amistoso, Local Health Support Division chief Dr. Raquel Montejo, Management Support Division chief Ms. Anna Aurora Gracita B. Remolar, Diocesan Director of the Commission on Health of the Diocese of Mati Rev. Fr. Rolando J. Fernandez, at Provincial DOH Office team leader Dr. Gracita Berguia.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Amistoso ang kahalagahan ng pagkakaisa ng sektor ng kalusugan at ng Simbahan sa paglilingkod sa mamamayan.
"Sa paghawak-kamay ng Simbahan at ng pampublikong kalusugan, hindi lang natin ginagamot ang sakit ng katawan. Binubuo natin muli ang puso, isipan, at espiritu ng ating mamamayan," ani Dr. Amistoso.
Sa pamamagitan ng SimbaKalusugan, mas napapalapit ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa mga pamilyang nangangailangan. Ipinapakita rin nito na sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan, Simbahan, at mga katuwang na institusyon, mas maraming mamamayan ang nabibigyan ng pagkakataong mapangalagaan ang kanilang kalusugan at magkaroon ng mas maayos na kalidad ng buhay.