25/08/2026
๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐ | Panakip Butas sa Tunay na Problema
Sa lilim ng isang silid aralan naipupunla ang binhi ng kaalaman, ngunit hindi maiiwasan ang pag usbong ng mga hamon sa pagkatuto. Upang matugunan ang krisis sa learning gaps sa bansa, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Republic Act No. 12028 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Ngunit upang tunay na masolusyunan ang puwang sa pagkatuto, nararapat na bigyan ng sapat na interbensyon at wastong assessment ang bawat mag aaral, dagdagan ang pondo para sa sektor ng edukasyon, at higit sa lahat, tukuyin at tugunan ang ugat ng pang akademikong krisis.
Dulot ng pandemyang COVID 19, lalo pang lumala ang learning gaps ng mga mag aaral sa bansa. Kaya naman, layunin ng ARAL Program na matugunan ang krisis sa pagkatuto at palakasin ang mga pangunahing kasanayan sa pag aaral. Sa kasalukuyan, natukoy ng DepEd ang mahigit anim na milyong mag aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10 bilang mga benepisyaryo ng programa na gagabayan ng mahigit 400,000 g**o. Isa itong hakbangin upang maisulong ang dekalidad na edukasyon sa bansa.
Bilang karagdagan, pinagtutuunan ng ARAL Program ang pagpapaunlad ng pangunahing kasanayan sa pagkatuto. Binibigyang prayoridad nito ang paglinang ng foundational skills, partikular sa pagbabasa at pag unawa. Sa ganitong paraan, mas mahahasa ang mga mag aaral sa mababang baitang sa mga kasanayang magsisilbing pundasyon ng kanilang patuloy na pagkatuto.
Kabilang din sa programa ang tutorial support para sa mga asignaturang pagbasa, matematika, at agham. Batay sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) sa 81 bansa, pang 76 ang Pilipinas sa Mathematics at Reading, habang pang 79 naman sa Science, isang krisis na layong tugunan ng DepEd. Hangarin nitong matulungan ang bawat mag aaral na maabot ang inaasahang kasanayan sa kanilang baitang.
Gayunpaman, tunay nga bang magiging sapat ang paglalatag ng panibagong programa upang matugunan ang malalim na puwang sa pagkatuto sa bansa?
Hindi na bago ang paulit ulit na paglulunsad ng DepEd ng mga programa upang tugunan ang krisis sa edukasyon. Noong 2023, sa panahon ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng DepEd, inilunsad ang MATATAG Curriculum, isang binagong kurikulum na nagbibigay diin sa literacy at numeracy sa bawat baitang. Noong 2025 naman, panibagong ARAL Program ang inilunsad upang matugunan ang learning gaps sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Sonny Angara.
Hindi naman masama ang pagkakaroon ng mga bagong programa. Subalit kung ang bawat bagong hakbangin ay hindi sasabayan ng tuloy tuloy na pagsusuri, sapat na pondo, maayos na implementasyon, at pangmatagalang suporta, maaari lamang itong maging panibagong pansamantalang tugon sa isang matagal nang suliranin. Ang hamon ay hindi lamang kung anong programa ang ilulunsad, kundi kung paano ito mapananatili at mapalalakas hanggang sa makita ang tunay na resulta.
Dagdag pa rito, kabilang sa mga nakapagpapahina sa pagkatuto ng mga mag aaral ang kakulangan sa pasilidad. Umaabot sa 165,443 ang kakulangan sa mga silid aralan sa Pilipinas. Samantala, naantala naman ang pagpapatayo ng 40,000 silid aralan noong 2025 dahil sa mga aberya sa pagitan ng DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH). Sinasalamin lamang nito ang kakulangan ng komportable, ligtas, at sapat na pasilidad sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon naman sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), apat sa bawat sampung mag aaral ang nahihirapang umunawa at magbasa. Isang sistematikong hamon ito na patuloy na nararanasan ng mga Pilipinong mag aaral, isang malinaw na indikasyon na hindi lamang tutorial ang kailangan, kundi mas malalim at mas malawak na pagtugon sa ugat ng krisis sa pagkatuto.
Kaya naman, kung patuloy na hindi pagtutuunan ng pansin ang tunay na ugat ng krisis sa edukasyon, kailanman ay hindi magiging sapat ang isang programa. Hindi lamang dapat nakatuon ang pondo sa paglulunsad ng mga panibagong programa, kundi sa pagpapatatag ng mga silid aralan, pagbibigay ng sapat na kagamitan at learning resources, pagsuporta sa mga g**o, at pagbibigay ng wastong assessment at angkop na interbensyon sa bawat mag aaral. Sa ganitong paraan, mas magiging makabuluhan ang bawat pondong inilalagak para sa sektor ng edukasyon bilang hakbang sa pagkamit ng ikaapat na Sustainable Development Goal (SDG) ng United Nations, ang Quality Education.
Sa kabuuan, hindi kailanman magiging sapat ang iisang programa sa paglupig sa tunay na ugat ng krisis sa edukasyon. Ang ARAL Program ay maaaring maging mahalagang bahagi ng solusyon, ngunit hindi ito dapat maging panakip butas sa mas malalim na suliraning kinakaharap ng sistema. Nararapat na samahan ito ng wastong assessment, sapat na interbensyon, sapat na pondo, maayos na pasilidad, at pangmatagalang reporma. Sapagkat iisa lamang ang hangarin ng bayan, na walang kabataang maiiwan sa pag abot ng dekalidad na edukasyon.
โ: Bleu