30/08/2024
DEPENSAHAN ANG MALAYANG PAMAMAHAYAG! PALAYAIN ANG MGA BILANGGONG PULITIKAL! ILITAW ANG LAHAT NG DESAPARECIDOS!
Ngayong araw, Agosto 30, minamarkahan natin ang Araw ng Pambansang Kalayaan sa Pamamahayag bilang paalala sa patuloy na pagdepensa sa karapatan natin sa isang midyang malaya at pagtamasa sa tunay na diwa ng demokrasya sa Pilipinas.
Ayon sa World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders, nahuhuli sa ranggo ang Pilipinas sa pwestong ika-134 sa 180 kabilang pang bansa at teritoryo. Manipestasyon ito sa taguri sa Pilipinas bilang isa sa pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag bunsod ng patuloy na karahasan at intimidasyon ng estado sa mga tagapagtaguyod ng katotohanan at tagapagmasid ng kabulukan, korapsyon, at impyunidad na nangyayari sa Pilipinas.
Sa antas ng mga publikasyong pangestudyante, marami ang dumadaan sa pagsensura gawa ng administratibong mga patakaran sa pamantasan. Nauudlot din ang operasyon ng mga estudyanteng mamamahayag dahil sa lumalalang burukrasya na humahadlang sa pagkamit ng pondo at espasyo. Bilang alternatibong tagapag-hatid ng balita, hangaring ng mga publikasyong pangkampus na maging progresibo at lumihis sa pagiging papet lamang ng mga administrasyon ng pamantasan.
Sa kanayunan, ika-apat na taon na sa kulungan ang community journalist na si Frenchie Mae Cumpio mula sa akusasyon at walang batayang pagkakakulong sa kanya ng awtoridad noong 2020. Mas kahindik-hindik rin na tatlong mamamahayag na pinatay noong nakaraang taon ay galing sa kanayunan . Ang mga malalagim na sinasapit ng ating mga mamamahayag sa kanayunan at komunidad ay nag-uugat sa kagustuhang sila’y patahimikin; dahil ang pagpapatahimik sa midya ay pagpapatahimik sa naratibo ng masa.
Hindi lihis ang danas ng mga mamamahayag sa labas ng Pilipinas, kabilang na rito ang mga mamamahayag sa Gaza na humaharap sa mapanupil na kamay ng imperyalistang US. Ngayong araw rin, inaalala natin ang mga desaparecidos – mga taong puwersahang dinakip ng mga puwersa ng estado. Talamak ang kaso nito sa mga mamamahayag partikular na sa Palestine kung saan walang habas na tinotortyur at isinasawalang bahala ang buhay ng mga tao. At sa bawat buhay ng mamamahayag na hindi na mabilang at mapangalanan sa kanilang pagkapaslang o pagkawala, ay pagkabigong makalabas ng katotohanan sa pambubusabos ng estado sa mga sibiliyan.
Litaw sa mga kasong ito na saanmang anggulo tignan, walang nangyayaring “lifting of fear” para sa mga mamahayag dahil talamak pa rin ang samu’t saring inhustisya sa ilalim ng mga pasista gaya ng rehimeng Marcos-Duterte.
Mula Pilipinas hanggang Gaza, sa pamantasan hanggang kanayunan, ngayong makabuluhang Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag, nagkakaisa tayo sa pagsulong ng tunay na midyang malaya at mapagpalaya.
Kasabay nito ay ang ating pagkalampag sa Kongreso sa pagpasa sa Campus Press Freedom Bill upang tuluyang matamasa ng mga estudyante ang kalayaan na magpahayag at maging mas kritikal sa administrasyon, lipunan at sa kasalukuyang sitwasyon ng midya. Sa isang lipunan kung saan ang mga isyu ng kawalan ng katarungan ay patuloy na humahadlang sa pag-unlad at pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan, mahalagang ipakita natin ang ating matibay na determinasyon sa paglaban. Hindi tayo titigil hangga't ang kalayaan sa pamamahayag ay maging pangunahing karapatan ng bawat isa. Patuloy ang ating paglaban hangga’t makalaya ang lahat ng bilanggong alagad ng midya at wala nang pinapaslang sa ngalan ng kritikal na pamamahayag.