03/01/2026
Noong Abril 4, 1995, bandang alas-9 ng umaga, isang malaking grupo ng mga armadong lalaki ang dumating sa bayan ng Ipil, Zamboanga del Sur. Marami sa kanila ay nakasuot ng uniporme na parang sundalo. Tahimik. Maayos ang kilos. Kaya akala ng mga tao, sundalo sila.
Pero ilang sandali lang, dumating pa ang iba. May mga dump truck at sasakyang puno ng armadong kalalakihan na naka-uniporme. Dumarami sila sa bawat kanto. At doon na nagsimula ang lahat.
Pumutok ang unang bala.
Biglang nagkagulo. Nagputukan sa kalsada. May mga pumasok sa bangko at nilimas ang pera, umabot sa milyong piso ang ninakaw. May mga tindahan at bahay na sinunog. Gamit nila ang automatic weapons, granada, at iba pang mabibigat na sandata.
At ang pinakamasakit—pinagbabaril nila ang mga sibilyan. Bata. Matanda. Walang pinipili. Sa opisyal na tala, 53 ang napatay at higit 48 ang nasugatan. Marami rin ang dinukot at ginawang hostage, tinatayang 30 hanggang 50 katao.
Habang nagtatakbuhan ang mga tao, may nakita ang ilan na puting bandila na may nakasulat na “Abu Sayyaf.” Doon lang naiintindihan ng lahat kung sino talaga sila.
Pagsapit ng hapon, umalis ang grupo sakay ng kanilang mga sasakyan, kasama ang mga hostage, at tumakas palabas ng bayan.
Nang nalaman ito sa Maynila, nag-utos si Pangulong Fidel V. Ramos na magpadala ng maraming sundalo para habulin at tugisin ang mga salarin.
Sinuyod ng militar ang mga kabundukan at mga liblib na lugar.
May mga nahuli.
May mga napatay sa engkwentro.
Pero meron ding mga nakatakas at patuloy na naghasik ng lagim sa mga susunod na taon.