03/08/2026
BALITA | Benchmarking at Cross-Learning Isinagawa ng mga Lupon Tagapamayapa ng Barangay San Isidro at Barangay Sta. Cruz
GENERAL SANTOS CITY — Noong Hulyo 31, 2026, ganap na alas-9:00 ng umaga, matagumpay na isinagawa ang Benchmarking at Cross-Learning Activity sa pagitan ng Lupon Tagapamayapa ng Barangay San Isidro, Lungsod ng General Santos, sa pangunguna ni Hon. Edward Frederick J. Yumang, at Lupon Tagapamayapa ng Barangay Sta. Cruz, Lungsod ng Koronadal, South Cotabato, sa pangunguna ni Hon. Karen E. Bignayan.
Layunin ng naturang aktibidad na mapalakas ang ugnayan ng dalawang barangay sa pamamagitan ng pagpapalitan ng kaalaman, karanasan, at mga epektibong pamamaraan sa pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay. Kabilang sa mga tinalakay ang mga pinakamahusay na kasanayan sa paghawak ng mga reklamong idinudulog sa Lupon Tagapamayapa, mga estratehiya sa mapayapang paglutas ng alitan, at mga programang nagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Ipinakita ng benchmarking ang kahalagahan ng patuloy na pagkatuto at pagtutulungan ng mga opisyal ng barangay upang higit pang mapaunlad ang kalidad ng serbisyong pampubliko at matiyak ang mabilis, patas, at epektibong paghahatid ng katarungan sa antas ng barangay.
Sa pamamagitan ng ganitong mga gawain, patuloy na isinusulong ng mga barangay ang mahusay na pamamahala, pagkakaisa, at mas responsableng paglilingkod para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.