24/08/2026
NECPO Inc., Nagsagawa ng Regular na Pagpupulong sa Bayan ng General Tinio
GENERAL TINIO, NUEVA ECIJA — Nagsagawa ang Nueva Ecija Council of Personnel Officers, Inc. (NECPO) ng regular na pagpupulong na dinaluhan ng mga HR Personnel at Officers mula sa iba’t ibang tanggapan at lokal na pamahalaan sa lalawigan.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga mahahalagang impormasyon at panuntunan mula sa Civil Service Commission (CSC), gayundin ang mga paghahanda para sa mga nalalapit na gawain kaugnay ng pagdiriwang ng 126th Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) ngayong Setyembre.
Naging panauhin din sa pagpupulong ang mga kinatawan ng PhilHealth, na nagbahagi ng mahahalagang impormasyon tungkol sa YAKAP (Yaman ng Kalusugan) at mga benepisyong may kaugnayan sa gamot at serbisyong pangkalusugan. Layunin ng talakayan na higit na maipabatid sa mga HR Personnel ang mga programang maaaring mapakinabangan ng mga kawani at kanilang mga benepisyaryo.
Samantala, ilang mga resolusyon ang inaprubahan ng konseho bilang pagpapatibay sa pagpapatuloy ng mga makabuluhan at kapaki-pakinabang na programa at gawain ng NECPO. Kabilang dito ang mga aktibidad na naglalayong palakasin ang ugnayan at pagtutulungan ng mga HR practitioners, mapaunlad ang kanilang kaalaman at kakayahan, at maisulong ang kapakanan ng mga kawani sa serbisyo publiko.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang NECPO sa Bayan ng General Tinio sa mainit na pagtanggap at maayos na paghanda ng regular na pagpupulong.
Sa patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan, nananatiling nakatuon ang NECPO sa pagsusulong ng tapat, mahusay, at pusong paglilingkod para sa bayan. 🇵🇭