01/09/2026
EarthQUICK Response, Tugon ng Lalawigan ng Isabela sa Pagsasagawa ng Infrastructure Audit Program
Upang mas palakasin ang kahandaan ng Lalawigan ng Isabela laban sa mga banta ng sakuna at lindol, matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa ilalim ng pamumuno nina Punong Panlalawigan Rodolfo T. Albano, III at Pangalawang Punong Panlalawigan Francis Faustino A. Dy. Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ay ang Local Infrastructure Learning Hub (LILHub) at Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ng Isabela, ang serye ng pagsasanay na may temang "Isabela EarthQUICK Response: Quality Understanding of Infrastructure Credibility for Knowledge-based Response".
Ang nasabing aktibidad na nakatuon sa pagpapatupad ng Infrastructure Audit Program (IAP) ay isinagawa noong ika-10 hanggang ika-11 ng Agosto 2026 para sa unang pangkat at ika-12 hanggang ika-13 ng Agosto 2026 naman para sa ikalawang pangkat.
Layunin ng IAP na suriin ang katatagan ng mga LGU-owned at lifeline vertical infrastructure facilities ng bawat bayan o lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sakaling magkaroon ng malakas na pagyanig. Naging tampok sa ikalawang araw ng bawat pangkat ang Field Exercise, kung saan aktwal na ginamit ng mga kalahok ang IAP Tool para sa mabilis, organisado, at sistematikong pagtatasa sa kalagayan ng mga gusali at pasilidad.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa talumpu’t pitong (37) lokal na pamahalaan sa buong lalawigan. Kabilang sa mga kalahok ang mga City/Municipal Engineer, Disaster Risk Reduction and Management Officer (DRRMO), Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC), mga miyembro ng Sangguniang Bayan, piling Punong Barangay at mga teknikal na kawani.
Sa pormal na pagbubukas ng programa, pinangunahan ni Engr. Rodolfo G. Miranda, Acting Provincial Engineer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, ang mainit na pagtanggap sa mga kalahok, kung saan kinilala at pinasalamatan niya ang dedikasyon ng 37 na lokal na pamahalaan sa kanilang aktibong paglahok sa mahalagang inisyatibong ito.
Ipinaalala ni Engr. Corazon D. Toribio, CESO V, Panlalawigang Patnugot ng DILG Isabela, ang kahalagahan ng nasabing pagsasanay lalo pa at ang Pilipinas ay kabilang sa Pacific Ring of Fire, kung saan napapaligiran ito ng mga aktibong bulkan at fault line. Binigyang-diin ni PD Toribio na ang nasabing programa ay isang mahalagang hakbang upang lubos na maging handa ang bawat lungsod at bayan.
Gayundin na nagbigay ng paalala at hamon si Panrehiyong Patnugot Agnes A. De Leon, CESO IV, sa mga kalahok ukol sa tunay na gampanin ng isang lingkod-bayan. "Sa kabila ng lahat, ang ating tungkulin bilang mga lingkod-bayan ay gamitin ang ating mga matututuhan ngayong araw upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad na ating pinaglilingkuran. Kaya naman, nawa'y magawa po natin nang tama ang ating mga tungkulin para sa maayos at epektibong pagsasagawa ng Infrastructure Audit sa inyong mga lokal na pamahalaan," saad ni Panrehiyong Patnugot De Leon.
Nagpaabot din ng mahalagang suporta si Atty. Christopher A. Mamauag, Panlalawigang Tagapamahala ng Panlalawigang Pamahalaan ng Isabela para sa patuloy na pagpapatatag ng mga pamayanan sa buong lalawigan.
Inaasahan na sa pamamagitan ng pagpapatupad ng IAP, ang bawat lungsod, bayan, at buong lalawigan ng Isabela ay epektibong magagamit ang IAP tool at ang mga natutuhan upang masimulan ang pag-audit ng mga imprastruktura na magpapatatag sa kahandaan ng bawat pamahalaang lokal.