28/04/2026
KWENTONG DAGAT | Magdadalawang buwan na simula noong sumirit ang presyo ng langis, ngunit tila mas humihirap lang ang mga mangingisda ng bansa.
Nakipanayam ng PAMALAKAYA-Panay ang mga residente sa isang purok ng Ajuy, Iloilo kung saan may higit 100 mangingisda. Mula sa dating masaganang dagat — sa naglilipanang isda’t alimango na nagpapauwi ng pambili para sa mga pangangailangan ng pamilya at nagpapaaral sa mga kabataan — ang kalagayan ngayon ay nakatengga at nabubulok na ang mga bangka’t lambat. Malaking bahagi ng operasyon ay nakasalalay sa pagbili ng langis.
Mula sa isa o dalawang beses na pamamalaot araw-araw, swerte na kung nakakapalaot sila ng isang beses sa kada dalawa o tatlong araw. Kung kwentahin ang epekto ng oil price hike sa kanila, aabot sa P12,000 hanggang P32,500 kada buwan ang nawawala sa bawat mangingisda — halos katumbas na ito ng 1 hanggang 2 buwang budget para sa bigas, ulam, at pag-aaral ng mga anak. Ang nabawasang mga araw sa pangingisda ay direktang nagdudulot ng pagbagsak ng huli mula 10kg - 20kg tungong 5kg - 7kg na lamang.
Sa 100 mangingisda, 13 lamang ang nakatanggap ng fuel subsidy mula sa pamahalaan — 87 ang iniwan sa ere. Anila, nakabatay ang kwalipikasyon sa lista ng mga rehistradong mangingisda tuwing may ipapalabas na ayuda. Ngunit bukod sa pamumulitika ng pagpili ng benepisyaryo, marami ang hindi na nagpaparehistro ngayong taon dahil sa gastusin, burukrasya, at pagkadismaya sa mga pangakong serbisyo ng gobyerno.
Hindi tamad ang mangingisda. Ang dagat ay sagana. Ang pumapatay sa kabuhayan nila ay ang mahal na langis, kapabayaan ng gobyerno, at sistemang pabor lang sa malalaking negosyante at importer.
Dulot ng walang tigil na krisis, naiiwan ang mga mangingisda sa sitwasyong tiis nang tiis — habang nabubulok ang bangka, nababaon sa utang, at nagugutom ang pamilya. Sa paghahambing nga ng marami, tila iniiwan sila sa ere. Ang galing-galing lang ng mga politiko humingi ng tulong tuwing eleksyon, ngunit hindi na ramdam sa mga pampang ang nararapat na serbisyo kapag naihalal na.
Nakikiisa ang PAMALAKAYA-Panay sa buong hanay ng maralitang mangingisda. Naninindigan ito laban sa lahat ng anyo ng pandarambong, at nananawagan para sa nakatutustos na pangkabuhayan.
Suporta para sa Maliliit na Mangingisda, Ibigay Na!
Oil Deregulation Law, Ibasura!
VAT at Excise Tax sa langis, Tanggalin!
Lokal na Produksyon, Hindi Importasyon!