21/08/2026
YOUTH. EXPERIENCE. HOPE.
Ngayong Agosto 21, hindi lamang natin inaalala si Ninoy Aquino bilang isang bayaning kinitil ang buhay sa tarmac, at isang pinunong nanguna sa laban kontra diktadurya.
Inaalala rin natin siya bilang isang 28-anyos na Gobernador ng Tarlac na nagbigay ng pag-asa para sa isang makabagong uri ng pamumuno at, kalaunan, naging pinakabatang senador na may malinaw na paninindigan para sa bayan.
Sa murang edad, ipinamalas ni Ninoy kung paano mamuhay nang may integridad at kung paano mangarap hindi lamang para sa sarili, kundi para sa buong bayan.
Mula sa pagiging isang kabataang Tarlaqueño, isinabuhay at isinapuso niya ang kanyang mga paninindigan. Hindi niya sinayang ang mandatong ipinagkaloob ng kanyang mga kababayan.
Ipinaglaban niya ang tama, kahit ang kanyang sariling kalayaan ang maging kapalit.
Ngayon, habang papalapit ang 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections, mahalagang balikan natin ang aral na ito.
Ang kabataan ay hindi lamang para sa hinaharap. Kaya nilang mamuno ngayon.
Sa bawat kabataang tatakbo para sa Sangguniang Kabataan, may pagkakataong ipakita na ang edad ay hindi hadlang upang magsilbi nang may integridad, malasakit, at paninindigan.
At sa bawat botante, may responsibilidad na pumili ng mga lider na hindi lamang mahusay magsalita, kundi handang magtrabaho, manindigan, at magsilbi sa komunidad.
Hindi kailangang maging Ninoy Aquino ang bawat kabataan. Ngunit maaari nating isabuhay ang kanyang tapang, integridad, at paninindigan.
Sa darating na Barangay at SK Elections, piliin natin ang mga kabataang may malinaw na pangarap para sa kanilang barangay at may tapang na panindigan ang tama.
Youth. Experience. Hope.
Maging bahagi tayo ng paghubog ng susunod na henerasyon ng mga lider.
Maging tulad ni Ninoy. Maging lider na may integridad. Maging bayani ng susunod na henerasyon.