02/06/2026
TINGNAN: Bilang tugon sa mga katanungan at pangangailangan ng publiko kaugnay ng pagbabago sa iskedyul at lokasyon ng Saod ng bayan, isang mahalagang pagpupulong ang isinagawa ngayong araw, ika-2 ng Hunyo, 2026, sa Dignitaries Room, Mayor's Office.
Pinangunahan ni Mayor Grace Hamor katuwang si Municipal Administrator Chino Franche ang nasabing pagtitipon. Kasama rin nila sina Konsehal Agustin Delmonte III, Konsehal Norie Ortile, DILG Garner Frilles, Senior Tourism Operation Officer Roma Cielo, Municipal Agriculturist Aidel Cielo at Market Supervisor Gerald Luna. Dinaluhan ang pulong ng mga market vendors, parasaod, market stakeholders, mga kawani ng SLP, at iba pang apektadong sektor. Sa pamamagitan nito, nabigyan ng pagkakataon na marinig ang mga hinaing ng magkabilang grupo (mga parasaod at public market vendors) para pag-usapan ang oras at araw ng pagtitinda partikular na para sa mga parasaod upang hindi rin maapektuhan ang magiging kita ng mga market vendors.
Dahil hindi naging sapat ang bilang ng mga market vendor para makabuo ng kasunduan, hindi muna nai-finalize ang bagong iskedyul ngayon. Kaugnay nito, muling magpapatawag ng pagpupulong sa susunod na linggo para sa pinal na desisyon base sa mapagkakasunduan ng magkabilang panig. Sa ngayon, mananatili muna ang kasalukuyang iskedyul ng Saod.
Sa pamamagitan ng mga kawani ng SLP binigyan din ng pagkakataon ang mga parasaod at market vendors na mag-organisa ng kanilang sariling grupo o asosasyon upang opisyal silang makapasok at maging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng pamahalaan, na maghahatid ng karagdagang tulong-pinansyal at pagsasanay para sa kanilang kabuhayan.
Ang pangunahing layunin ng pulong na ito ay mas patatagin pa ang suporta sa bawat sektor ng bayan sa pamamagitan ng personal na pag-alam sa kanilang sitwasyon. Sa ganitong paraan, mas mapapahusay pa ang paghahatid ng serbisyo publiko kasabay ng pagpapatibay ng isang maayos at matatag na relasyon sa bawat Irosanon.