09/04/2026
Feature Story – Kwento ng Pagbabago
Ako si Noela Valiente, mas kilala sa palayaw na “Jen Jen”, 25 taong gulang, mula sa Purok Mahinangpanon, Brgy. Salong, Kabankalan City, Negros Occidental. Ibinabahagi ko ang aking kwento kung paano ko natapos ang aking pag-aaral sa kabila ng kahirapan at kung paano ako naging isang ganap na Lisensyadong G**o ngayon.
Ako ay naniniwala sa kasabihan na “Ang kahirapan ay hindi hadlang sa pangarap. Ito ay nagsisilbing hagdan tungo sa matamis na tagumpay.”
Ang buhay ay hindi laging madali, lalo na kung ikaw ay ipinanganak sa pamilyang salat sa yaman at oportunidad. Bilang isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), masasabi kong malaki ang naging papel ng programang ito sa pagbabago ng aking buhay at sa pagtupad ng aking mga pangarap.
Lumaki ako sa isang simpleng pamilya. Ang tanging pinagkukunan ng kita ng aking mga magulang ay mula sa pagsasaka at pagtitinda ng gulay. Madalas ay hindi sapat ang kanilang kinikita para sa aming pang-araw-araw na pangangailangan. May mga pagkakataon na kulang ang pagkain sa aming hapag at nahihirapan kaming makabili ng mga gamit sa paaralan. Dahil dito, may mga sandali na naisip kong huminto na lamang sa pag-aaral upang makatulong sa aking pamilya.
Ngunit nang mapasama ang aming pamilya sa 4Ps, nagkaroon kami ng pag-asa. Ang programang ito ng pamahalaan ay nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga mahihirap na pamilya kapalit ng pagtupad sa mga kondisyon tulad ng regular na pagpasok ng mga bata sa paaralan. Dahil sa tulong na aming natatanggap, kahit papaano ay nabawasan ang bigat ng gastusin sa aming tahanan. Nakakabili na ako ng mga notebook, uniporme, at iba pang pangangailangan sa paaralan. Hindi man kalakihan ang tulong, sapat ito upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral nang hindi gaanong nag-aalala.
Hindi naging madali ang lahat. Kinailangan ko pa ring magsumikap, mag-aral nang mabuti, at magtiyaga sa kabila ng mga pagsubok. May mga gabing halos wala kaming kuryente kaya nag-aaral lamang ako sa ilaw ng kandila. Ngunit dala ng aking pangarap at determinasyon, hindi ako sumuko.
Sa kabila ng lahat ng hirap, nakapagtapos ako ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in English. Isa ito sa pinakamahalagang tagumpay sa aking buhay. Mas lalo pang naging makahulugan ang lahat nang makapasa ako sa Licensure Examination for Teachers noong December 19, 2025. At noong February 8, 2026, ako ay nanumpa bilang isang ganap na Licensed Professional Teacher.
Sa ngayon, patuloy pa rin akong nangangarap na makaahon kami sa kahirapan. Alam kong mahaba pa ang aking lalakbayin, ngunit masasabi kong malayo-layo na rin ang aking narating. Ang bawat pagsubok na aking pinagdaanan ay nagsilbing hakbang patungo sa aking mga pangarap.
Patuloy akong magsusumikap, hindi lamang para sa aking sarili kundi para rin sa aking pamilya at sa mga batang nais kong turuan at gabayan balang araw. Dahil naniniwala ako na ang edukasyon ay isang makapangyarihang susi upang mabago ang buhay ng isang tao.
Kahit mahirap ang buhay, hindi ako titigil sa pangarap—dahil ang bawat pangarap na pinagsusumikapan ay may pag-asang matupad.
// Submitted by: Armando D. Niango - Kabankalan City Link