04/06/2026
REGIONAL TOP 3 MOST WANTED PERSON NADAKIP SA ILOILO
Matagumpay na naipatupad ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang mga warrant of arrest laban sa isang 29-anyos na pulis na kabilang sa Top 3 Regional Most Wanted Person, nitong gabi ng Hunyo 3, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Iloilo City Mobile Force Company (ICMFC) kasama ang iba pang police units matapos magpalabas ang Regional Trial Court sa Iloilo City ng mga warrant of arrest kaugnay sa mga kasong statutory r**e at paglabag sa Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.
Ayon sa ulat, boluntaryong sumuko ang naturang indibidwal sa kanyang unit commander at agad na isinailalim sa kustodiya ng pulisya para sa tamang proseso at dokumentasyon.
Ayon kay PRO6 Acting Regional Director PBGEN Randulf T. Tuaño, malinaw ang mensahe ng organisasyon na walang sinuman ang higit sa batas.
“Walang puwang sa organisasyon ang sinumang lalabag sa batas. Ang pagiging miyembro ng PNP ay hindi kailanman magiging hadlang sa pagpapatupad ng hustisya. We will always hold our personnel to the highest standards of conduct and professionalism,” ani PBGEN Tuaño.
Dagdag pa niya, patuloy ang paninindigan ng PRO6 sa integridad at pananagutan sa loob ng organisasyon.
“Kapag may legal na proseso na kailangang ipatupad, gagawin natin ito nang patas at walang kinikilingan. Our duty is to protect the public, uphold the law, and preserve trust in our institutions. Accountability starts from within,” dagdag niya.
Tiniyak naman ng PRO6 na paiiralin ang due process habang isinasailalim sa judicial proceedings ang kaso, at nananatiling nakatuon ang kanilang hanay sa isang makatao, maayos, at propesyonal na pagpapatupad ng batas.
Ang insidenteng ito ay patunay ng patuloy na layunin ng PRO6 sa “Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas” sa pamamagitan ng mas pinaigting na law enforcement efforts at community-oriented policing, alinsunod sa PNP Focus Agenda at sa bisyon ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Jose Melencio C. Nartatez Jr..
(ORD-PRO6)