15/05/2026
Sa patuloy na krisis ng oversupply sa gulay, hindi na sapat ang puro awa at pang-unawa lang sa kalagayan ng ating mga magsasaka. Habang bumabagsak ang presyo ng gulay, maraming farmers natin ang napipilitang magbenta sa halos wala nang kita, madalas ay lugi pa. Mas masakit pa rito, may mga pagkakataon na ang mga gulay na dapat sana’y pagkain at kabuhayan ay nauuwi na lamang sa pagkasira dahil walang bumibili at walang maayos na merkado. Madalas pa ay iniiwan na lang nilang mabulok ang mga pananim nila sa kanilang mga sakahan dahil kung aanihin nila ito ay mas malulugi pa sila dahil sa associated na post-harvest expenses.
Dahil dito, among many other agri-related proposals natin, isinusulong natin ang pagtatatag ng Vegetable Processing Plant sa Benguet through House Bill No. 8405, o ang “An Act Establishing a Vegetable Processing Plant in the Province of Benguet, and Appropriating Funds Therefor.” Layunin ng panukalang ito na mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang paulit-ulit na problema ng oversupply sa ating mga gulay. Sa halip na masayang ang mga ani, maaari itong i-process at gawing bagong produkto na mas may mataas na halaga at mas matagal ang shelf life. Halimbawa, ang mga mixed vegetables ay maaaring gawing preserved vegetable products na parang yung mga nakikita sa mga supermarkets, habang ang wombok ay maaaring gawing kimchi at iba pang marketable food products.
Hindi lamang ito simpleng processing plant. Ito ay magiging sandigan ng ating mga magsasaka sa panahon ng bagsak-presyo at kawalan ng buyer ng ating mga farm produce. Nakapaloob din sa panukala na ang processing plant mismo ang tutulong sa paghahanap ng merkado para sa mga produkto ng ating farmers upang matiyak na may siguradong pagbebentahan ng mga processed products. Kasama rin dito ang pagtatakda ng farm gate price upang maprotektahan ang ating mga magsasaka laban sa sobrang baba ng presyo ng gulay na siyang dahilan kung bakit maraming pamilya ng magsasaka ang patuloy na naghihirap sa kabila ng kanilang sipag at sakripisyo.
Kasabay nito, upang higit pang mabawasan ang bigat ng gastusin ng ating mga farmers, naghain din tayo ng House Bill No. 8634, o ang “An Act Establishing the Benguet Agricultural Logistics and Transport Support Program to Assist Highland Vegetable Farmers in the Province of Benguet, and Appropriating Funds Therefor.” Sa ilalim ng panukalang ito, isinusulong natin ang libreng hauling o transport program para sa mga gulay mula sa mga sakahan papunta sa trading posts at market linkages.
Ang ating mga magsasaka ang nagpapakain hindi lamang sa probinsya natin kundi sa malaking bahagi ng ating bansa. Pero sa kabila nito, ang mga farmers pa natin ang madalas na unang naaapektuhan kapag bumabagsak ang presyo ng gulay. We need concrete actions and long term solutions in place, dahil ang laban ng ating farmers ay laban din para sa kinabukasan ng Benguet.