16/09/2025
Pahayag ng Wakas Elementary School Alumni tungkol sa Baha, Korapsyon, at Kultura ng Kawalang Pananagutan
Sa mga nagdaang dekada, nasaksihan at naranasan mismo ng Barangay Wakas —kung saan nakatayo ang ating paaralan—ang paulit-ulit na pagbaha. Taun-taon, ang ating komunidad ay lumulubog sa tubig, nawawasak ang mga tahanan, at nahihinto ang kabuhayan. Ang sakit na ito ay hindi na bago sa atin. Ngunit sa likod ng mga pangakong proyekto upang tugunan ang problema, nananatili ang baha—dahil sa mga substandard at ghost flood control projects na tinapos lang sa papel, hindi sa realidad.
Ang trahedyang ito ay hindi lamang bunga ng kalikasan. Ito’y resulta ng malalim na sugat ng korapsyon at kasakiman. Ang mga dapat sana’y proteksiyon para sa ating mga pamilya ay naging pagkakataon para sa iilan na magkamal ng yaman.
Bilang mga dating mag-aaral ng Wakas Elementary School, nakikiisa kami sa panawagan ng sambayanan laban sa ganitong pagtatraydor sa tiwala ng taumbayan. Nananawagan kami para sa katotohanan, pananagutan, at katarungan.
Ang kapal ng mukha ng mga opisyal sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pumipirma ng mga “kumpletong ulat” para sa mga proyektong pinondohan ng buwis ng mamamayan—mga proyektong dapat sana’y nagpoprotekta sa komunidad—ay hindi lamang kapabayaan. Ito’y sadyang pagtataksil. Ang bawat pirma ay tila hatol na kamatayan. Sadyang pinipili nilang hayaang malunod ang mga pamilya habang napupuno ang kanilang bulsa.
Lalong nagiging insulto ito kapag ang mga kontratista, pulitiko, at opisyal ng gobyerno ay lantaran pang ipinapakita sa social media ang marangyang pamumuhay nila at ng kanilang pamilya—habang ang karaniwang Pilipino ay naghihinagpis sa gitna ng baha. Ang labis na karangyaang ito, na katas ng pandarambong, ay hayagang paglapastangan sa paghihirap ng taumbayan.
Higit sa lahat, patunay ito ng kulturang walang pananagutan na kumakalat sa pamahalaan. Kapag ang mga halal na opisyal at mga lisensyadong kontratista ay kumikita mula sa kapahamakan ng bayan, ang kalamidad ay hindi na likas; ito’y nagiging krimen na gawa ng tao.
Kami, mga alumni ng Wakas Elementary School, ay nananawagan ng pamahalaang tunay na naglilingkod sa tao—isang pamahalaang mag-aahon sa atin mula sa baha, magpapalaya mula sa hawak ng korapsyon, at magbabalik ng dangal at seguridad sa bawat pamilya.
Kasama ng sambayanang Pilipino, hinihingi namin:
Pananagutan ng mga lumabag sa tungkulin.
Reporma sa mga institusyong sinira ng korapsyon.
Katarungan para sa mga buhay at kabuhayang nawala dahil sa kasakiman at kapabayaan.
Ang mga imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure at iba pang ahensya ng gobyerno ay dapat gawin nang mabilis, patas, at may integridad. Walang dapat makaligtas, gaano man kataas ang posisyon o kapangyarihan.
Bilang mga anak ng Wakas, na sa murang edad ay tinuruan ng kahalagahan ng katapatan, serbisyo, at malasakit—naninindigan kami: ang pampublikong posisyon ay hindi para sa pandarambong kundi para sa paglilingkod.
Huwag tayong manghina. Bilang alumni, bilang mamamayan, at bilang Pilipino, pinapatunayan natin: dapat sugpuin ang korapsyon, manaig ang katarungan, at muling magsilbi ang pamahalaan sa taong-bayan.