22/09/2025
WIND SIGNAL NO. 5, ITINAAS NA SA HILAGANG-SILANGAN NG BABUYAN ISLANDS
Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 5 sa hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands bunsod ng patuloy na paglakas at paglapit ng Super Typhoon Nando.
Sa pinakahuling ulat, huling namataan ang bagyo sa layong 300 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan, taglay ang lakas ng hangin na 205 km/h at pagbugso na aabot sa 250 km/h. Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Narito ang mga lugar na may nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal:
SIGNAL NO. 5
-Hilagang-silangang Babuyan Islands
SIGNAL NO. 4
-Timog-silangang Batanes, natitirang bahagi ng Babuyan Islands, at Sta. Ana, Cagayan.
SIGNAL NO. 3
-Natitirang bahagi ng Batanes, hilaga at gitnang Cagayan (Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Alcala, Santo Niño, Lasam, Allacapan, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, Santa Praxedes, Rizal, Amulung, Piat), ilang bahagi ng Apayao at Ilocos Norte.
SIGNAL NO. 2
-Natitirang bahagi ng Cagayan, Isabela, Abra, Kalinga, Mt. Province, silangan at gitnang Ifugao, hilagang Ilocos Sur, at mga karatig-lugar.
SIGNAL NO. 1
-Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, natitirang bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at hilagang Quezon kabilang ang Polillo Islands.
Ayon sa forecast ng PAGASA, posibleng dumaan nang malapit o mag-landfall ang mata ng bagyo sa Babuyan Islands mamayang tanghali hanggang hapon. Inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) umaga ng Setyembre 23.
Patuloy na pinapayuhan ang mga residente na maging alerto, sumunod sa lahat ng babala at kautusan ng lokal na pamahalaan, at manatiling nakaantabay sa susunod na mga ulat ng PAGASA. # # #