24/08/2026
𝗞𝘂𝗹𝗺𝗶𝗻𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗕𝘂𝘄𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗪𝗶𝗸𝗮, 𝗔𝗦𝗘𝗔𝗡 𝗮𝘁 𝗜𝗣𝗘𝗗 𝗠𝗼𝗻𝘁𝗵, 𝗠𝗮𝘁𝗮𝗴𝘂𝗺𝗽𝗮𝘆 𝗻𝗮 𝗜𝗱𝗶𝗻𝗮𝗼𝘀
Matagumpay na isinagawa sa Ammungan Hall Wing A ang kulminasyon ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ASEAN at Indigenous Peoples Education (IPED) Month na nilahukan ng mga kawani ng Kagawaran ng Edukasyon sa Schools Division of Ifugao.
Bilang pagtatapos ng pagdiriwang, hinati sa anim na pangkat ang mga kawani upang lumahok sa iba't ibang patimpalak na naglalayong palalimin ang pagpapahalaga sa wika, kultura, at pagkakakilanlan. Kabilang sa mga isinagawang gawain ang sabayang pagbigkas sa Filipino at Tuwali, kung saan ipinamalas ng bawat pangkat ang kanilang husay, pagkamalikhain, at pagkakaisa. Ang mga magwawaging pangkat ay tumanggap ng mga premyo bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagganap.
Tampok din sa programa ang pagrampa ng mga kawani na palagiang nagsusuot ng mga kasuotang may temang ASEAN at Filipiniana tuwing Lunes bilang pagpapakita ng suporta at pagpapahalaga sa kultura at tradisyon.
Ayon sa mga tagapag-organisa, ang pagdiriwang ay hindi lamang nagsilbing pagkakataon upang ipakita ang talento ng mga kawani kundi naging daan din upang higit na mapalakas ang pagkakaisa, pakikipagkapwa, at pagpapahalaga sa sariling wika at kultura.
Mahalaga rin ang naging epekto ng gawain sa mga kawani ng gobyerno sapagkat pinatibay nito ang kanilang kamalayan sa kanilang tungkulin bilang tagapagtaguyod ng kultura, kasaysayan, at pagkakaiba-iba ng mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran. Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga gawaing pangkultura, higit nilang naunawaan ang kahalagahan ng paggalang sa katutubong pagkakakilanlan, paggamit ng sariling wika, at pagpapanatili ng pagkakaisa sa loob ng ahensya. Nakatulong din ito sa pagpapalakas ng samahan at pagtutulungan ng mga kawani, na mahalaga sa pagbibigay ng mas mahusay at makataong serbisyo publiko.
Nagtapos ang programa sa diwa ng pagkakaisa at pagmamalaki sa mayamang kultura, wika, at pamana ng mga Pilipino at ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
✍️📷 Ian Jake Cumaldi