28/08/2026
Mga Nakatagong Suplay ng Komunistang Teroristang NPA, Nadiskubre sa Northern Samar
CAMP SUMOROY, CATARMAN, Northern Samar – Nadiskubre ng mga sundalo ng 20th Infantry (We Lead) Battalion at 78th Infantry (Warrior) Battalion ang tatlong nakabaong lalagyan na naglalaman ng mga suplay ng pagkain na pinaniniwalaang kabilang sa logistical supplies ng Komunistang Teroristang Grupong New People’s Army (NPA) sa magkahiwalay na lokasyon sa Barangay Imelda, Las Navas, Northern Samar, ika- 25 ng Agusto 2026.
Unang natuklasan ng mga sundalo ang isang nakabaong lalagyan na naglalaman ng humigit-kumulang 20 kilo ng bigas sa naturang barangay.
Kasunod nito, batay sa impormasyong nakalap mula sa mga concerned citizen, natukoy rin ang dalawa pang nakabaong lalagyan na naglalaman ng tinatayang 40 kilo ng bigas at apat na kilo ng asin.
Sa kabuuan, tinatayang 60 kilo ng bigas at apat na kilo ng asin ang nadiskubre. Ayon sa ulat, tinatayang anim na buwan nang nakabaon ang mga nasabing suplay.
Ang pagkakadiskubre sa mga suplay ay nagpapakita ng kahalagahan ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan at awtoridad sa pagtukoy at pagputol sa logistical support ng armadong grupo. Ang pagkawala ng mga suplay na ito ay maaaring higit pang magpahirap sa kakayahan ng mga natitirang miyembro ng NPA na mapanatili ang kanilang operasyon sa kabundukan.
Samantala, patuloy ang operasyon ng mga sundalo upang matukoy ang iba pang posibleng imbakan ng suplay ng armadong grupo, habang tinitiyak ang kaligtasan ng mga komunidad sa lugar.
Kasabay nito, muling nanawagan si Brigadier General Carmelito T. Pangatungan, Commander ng 803rd Infantry “Peacemaker” Brigade, sa mga natitirang miyembro ng NPA na talikuran na ang armadong pakikibaka at piliing makabalik sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Aniya, mas makabubuting bumaba na sa kabundukan at yakapin ang pagkakataong magsimulang muli sa mapayapang paraan kaysa manatili sa kalagayang puno ng paghihirap, panganib, at kawalang-katiyakan.
Bahagi ito ng adbokasiyang “UPOD KITA” (Unity for Peace, Onwards to Development, Kamurayaw Isulong Tikadto san Pag-Asenso san Northern Samar), na naglalayong palakasin ang pagkakaisa ng mga Nortehanon para sa kapayapaan, seguridad, at pag-unlad ng lalawigan.
# # # #