11/01/2024
STATEMENT OF LIBERAL PARTY ON THE PROPOSED CHARTER CHANGE
Hindi nasasaing ang Charter Change
Wala nang mailagay sa kanilang plato ang maraming Pilipino. Bakit Charter Change ang niluluto ng gobyerno?
Ilang araw bago mag-Pasko, habang nagkokompyut ang mga kababayan natin kung paano paabutin sa 2024 ang kanilang suweldo, usapang Charter Change ang regalo ng ating pamahalaan. Ang sabi: Kailangang baguhin ang Konstitusyon para maka-attract ng foreign investors.
Masakit sa ulo ang paliwanag na ito. Magastos sa oras at pera ng taumbayan ang pagbabago ng Saligang Batas. Kukunin nito ang resources na magagamit sana sa pagtugon sa pagtaas ng presyo ng bilihin, krisis sa edukasyon, at mga bagong banta sa kalikasan at kalusugan.
Maitatanong din: Konstitusyon ba ang may kasalanan kung bakit hindi tayo nilalapitan ng investors? Kapag binuksan natin ang foreign ownership ng mga negosyo, handa na ba ang ating mga infrastructure, manpower, at institusyon sa mangyayaring pagbabago?
Kailangan ding sagutin: Economic provisions lang ba talaga ang babaguhin? Kapag binuksan ang pagbabago sa Konstitusyon, walang nagbabawal sa pagpalit sa ibang provision nito. Kasama na roon ang tungkol sa term limit at anti-dynasty.
Huwag din sana itong gamitin sa pagpapalaki pa ng burukrasya. Anumang dagdag na opisina, opisyales, posisyon, o kahit anumang gastusin ay dagdag sa pasanin ng mamamayan. Lalo na sa gitna ng pinakamalaking budget deficit at debt-financing sa ating kasaysayan pagkatapos ng walang patumanggang pangungutang ng gobyernong Duterte.
Mabuti ang layunin ng ating Pangulo at mga mambabatas. Ang amin lang: Mas matatag at mapagkakatiwalaang mga institusyon, pagtitipid sa gastusin ng gobyerno, at pagsugpo sa korapsyon muna, bago baguhin ang Saligang Batas. Bigyan muna ng maisasaing sina Juan at Juana bago ang Charter Change. # # #