30/06/2026
Malugod na binabati ng MDRRMO Libon si G. John Reymark B. Refereza ng Brgy. Bulusan, Libon, Albay sa kanyang pagtatapos sa kursong BS Physics sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio!
Isinagawa ni John Reymark ang kanyang undergraduate research sa Libon na pinamagatang “Flood Risk Prediction and Early Warning Using LSTM Networks Augmented with TimeGAN-Generated Synthetic Data for Improved Community Response in Libon, Albay.”
Nakatuon ang pag-aaral na ito sa paggamit ng artificial intelligence (AI) upang makatulong na magkaroon ng flood early warning system ang Libon. Gumamit ito ng Long Short-Term Memory (LSTM), isang AI model na nagsusuri ng mga datos tulad ng dami ng ulan at antas ng tubig sa paglipas ng panahon, at TimeGAN, isang teknolohiyang lumilikha ng karagdagang synthetic data upang matugunan ang kakulangan ng historical flood records na maaaring gamiting datos.
Sa pamamagitan ng pagsasama ng dalawang teknolohiyang ito, layunin ng pag-aaral na matulungan ang LGU at mga barangay na makapagbigay ng mas maagang babala, makapaghanda nang mas mabuti, at mabawasan ang panganib sa buhay, kabuhayan, at ari-arian ng mga Libongueños tuwing may pagbaha.
Si John Reymark ay sumailalim sa UPCAT Review (Affirmative Action Program) ng LGU Libon noong 2019 at naging isa sa mga iskolar ng LGU Libon sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio.
Pagkatapos ng kanilang pag-aaral sa UP, ang mga iskolar ay bumabalik sa LGU Libon para sa kanilang return service sa opisina kung saan maaari nilang maibahagi ang kanilang mga natutunan sa unibersidad at higit pang mapaunlad ang kanilang mga kakayahan habang nagsisilbi sa bayan.
Sa muli, ang aming taos-pusong pagbati sa iyong pagtatapos, John Reymark!