12/06/2023
WALANG TUNAY NA KALAYAAN HANGGA'T GINUGUTOM AT PINAHIHIRAPAN ANG MGA MANGGAGAWA
BWC: On the celebration of the false Philippine independence and its toll on workers' wage for rights
Kung tunay ngang malaya na ang Pilipinas mula sa mga mananakop natin noon sa kasaysayan, bakit tila hindi tunay na naiba ang kalagayan nating mga manggagawa?
Noon, pinagpapasa-pasahan ang paggahasa ng mga dayuhan sa kasarinlan at kalikasan ng bansa natin. Niyurakan tayo ng mga Espanyol, ninakawan ng mga Hapon, at paulit-ulit na dinarambungan ng mga Amerikano.
Ngayon, nagpapatuloy ang panghihimasok ng mga dayuhan sa atin, at dumagdag pa nga sa larawan ang Tsina. Napakarami sa ating mga kababayang manggagawa ang hindi man nagiging aliping OFW sa ibayong dagat, nahuhulog naman sa paing sahod ng mga dayuhang korporasyon, habang nananakawan ang sarili nating bayan ng totoong pag-unlad. Patuloy pa ring hinihigop ang mga yaman natin; sumusulong ang ilang bansa, habang naiiwan tayong iga.
Sa kasaysayan, pinhihirapan tayo noon ng mga dayuhan, binabanat nang husto ang ating mga katawan at isipan, kapalit ng kakatiting na limos para lamang manatili tayong buhay at makapasok muli sa paggawa kinabukasan.
Ngayon, tumaas na nga marahil ang kinikita ng nakararami sa atin. Pero tumaas din ang presyo ng bilihin. Hindi ba't tila kakatiting na limos pa rin ang katumbas ng mga sahod natin kapag tayo'y namimili na? Pero ang mga dayuhan, tuluy-tuloy lamang sa pagkamal ng kita mula sa mga pinaghirapan natin.
May nabago na ba?
Noon, malupit na sinusupil ng mga dayuhan sa Pilipinas ang mga Pilipinong nagtatangkang lumaban. Agad na ipinahuhuli ang mga nagtatangkang kumalabban sa mga mananakop, at walang pakundangang pinapatay, minsan sa harapan pa man din ng kanilang mahal sa buhay, para magsilbing panakot sa iba pang makakaisip na gumaya.
Ngayon, wala na mga kaharian ng mga dayo, ngunit ang mga tauhan nila't impluwensya pa rin ang pumipiring, pumipilay, at pumapatay sa mga manggagawang nangangahas na baguhin at kalabanin ang kaawa-awang kalagayan natin sa paggawa.
Hindi ba't bulag, p**i, at bingi pa rin ang hustisya sa tinatamasa nating kawalang-laya?
Iyan ba ang kalayaan?
Hindi matatapos ang pakikilaban ng mga manggagawa hangga't ganitong kairalan ang ipinatutupad sa ating lipunan. Titidig tayo, ilang beses man nila tayong hagupitin at padapain. Titindig tayo.
Dahil sa atin ang kalayaan natin, at hindi sa sinumang dayuhan!
MALAYA NGA BA TAYONG TALAGA?
Ngayong araw, ika-12 ng Hunyo, 2023, inaalala ang ika-125 taon magmula nang mapaatras ang mga mananakop na Espanyol mula sa kapuluan natin, maputol ang 333 taon nilang paghahari-harian dito sa Pilipinas, at ideklara ng isang Emilio Aguinaldo ang Araw ng Kalayaan ng bansa.
Ngunit ibig-sabihin ba nito'y malaya na nga tayo? Hindi na ba tayo muli pang nakapailalim sa kuko ng kung sinong dayo? Nalalasap na nga ba nating totoo ang tunay at pangmatagalang kalayaan, kaginhawaan, at katahimikan sa sarili nating bayan? O ang lahat ay isa lamang palabas?
Hindi ba't ipinagkanulo ni Aguinaldo ang pagiging makabayang pinuno ng Pilipinas, labag man sa kagustuhan ng mga tunay noong rebolusyonaryo, at nakipagkasundo siya sa mga Amerikano para siya'y makabalik sa Pilipinas, at sa gayo'y makaakyat muli sa kapangyarihan? Hindi ba't dito nagsimula ang mahaba na't nagpapatuloy sa kasalukuyan na linya ng mga pangu-pangulo ng Republika na tiklop ang tuhod sa Amerika kapalit ng mga pabuya at pabor mula sa imperyalista?
At anong nakukuha natin mula rito? Pang-aagaw sa rekurso't yaman natin. Pambabarat sa mga manggagawa natin. Pambabastos sa ating mga kababaihan. Panlalansi sa mga kabataan sa porma ng bulok na sistema ng edukasyon at kultura. Pagpapalayas sa mga maralitang kalunsuran at mga katutubo para sa pabor ng mga dayuhang negosyante. Mga korap, anti-mahirap, at pasistang mga batas. Mga sunud-sunurang pulitikong nakahalik sa paanan ng Amerika. Mga pulis at sundalong tauhan ng Malacañang sa kaniyang giyera-kontra-Pilipino. Militarisasyon sa kanayunan at walang habas na pamamaslang sa ilalim ng mga pekeng kampanyang 'pangkapayapaan.' Nagbabadyang pagsambulat ng napakamapanirang ikatlong pandaigdigang digmaan sa ating sariling bakuran, nang wala man lamang tayong kapasyahan. Nasaan sa mga nabanggit ang ipinagdiriwang nating 'kalayaan'?
Nasaan sa kasalukuyan nating kalagayan sa araw-araw ang totoong kalayaan?
Marahil, mas karapat-dapat pang ipagdiwang ngayong araw ang nagpapatuloy pang pakikibaka ng masang inaapi at pinagsasamantalahan para mailapit ang kanilang mga uri sa tunay na kalayaan. Marahil, mas kapugay-pugay pa ang bawat Pilipinong tumitindig at tumutuligsa sa kabulukan ng gubyerno't kasalukuyang lipunan. Marahil, mas katangi-tangi pa ang mga aktibista't lider-masa, ang bawat mabubuting anak ng ating Inang Bayan na naglalaan ng kanilang bahagi - kaalaman, kasanayan, panahon, o buhay pa man - para lamang maihatid na ang Pilipinas sa tunay, pangmatagalan, at dalisay niyang kasarinlan.
Marahil, mas dapat na ipagdiwang ngayong araw ang nagpapatuloy pang pakikibaka sa Pilipinas, na pilit itinatago ng mga ilehitimong gubyernong tulad ng kay Bongbong Marcos, at ubos-kayang pinupuksa ng imperyalistang US.
At hanggang sa makamit natin ang totoo, makatarungan, at makamasang kasarinlan, mananatiling ang bawat Hunyo 12 na daraan ay inulit-ulit lamang na mga 'Araw ng Huwad na Kalayaan.'