21/09/2026
Idineklara ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972 sa ilalim ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. Kasabay nito ang malawakang pagsupil sa karapatang pantao at demokratikong kalayaan ng mamamayan. Libo-libong Pilipino ang ilegal na inaresto at ikinulong, tinortyur, sapilitang nawala, at pinaslang sa ilalim ng diktadurya. Samantala, ipinasara at kinontrol ang mga pahayagan, estasyon ng radyo at telebisyon, habang pinalawak ang kapangyarihan ng estado at militar upang patahimikin ang mga kritiko at kalaban ng rehimen. Hindi lamang ito kwento ng isang pamahalaang naging awtoritaryan; ito ay kasaysayan ng mga buhay na winasak, mga pamilyang pinaghiwalay, at mga tinig na pilit pinatahimik. Maging ang Human Rights Victims’ Claims Board ay nakatanggap ng humigit-kumulang 75,000 claim para sa pagkilala at reparasyon mula sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Sa ilalim din ng rehimeng ito, naranasan ng bansa ang malalaking suliraning pang-ekonomiya, lumalaking utang, at paglala ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa karapatan ng mamamayan. Habang ipinagmamalaki ng rehimen ang mga proyektong imprastraktura at huwad na larawan ng kaunlaran, maraming Pilipino ang patuloy na nakaranas ng kagutuman, kawalan ng trabaho, at pagsikil sa kanilang mga karapatan. Sa likod ng ipinapakitang “Bagong Lipunan” ay isang lipunang nilimitahan ang kalayaan at pinagbantaan ang sinumang tumindig laban sa kapangyarihan. Tulad ng mga kabataan at estudyante na naging biktima, dinakip, at namatay o nawala (desaparecido) dahil sa paglaban sa diktadurya noong panahon ng Martial Law tulad nila Liliosa Hilao, Rizalina Ilagan, Edgar Jopson “Edjop”, Archimedes Trajano, at marami pang iba.
Ngunit sa kabila nito, mas tumibay ang pagtindig ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, estudyante, g**o, mamamahayag, at iba’t ibang sektor ng lipunan laban sa diktadurya. Sa Timog Katagalugan, maging ang mga komunidad sa paligid ng UPLB ay naging bahagi ng mas malawak na kasaysayan ng pagtutol at pakikibaka. Isa sa rebolusyonaryo at makasaysayan na kilusang umusbong ng panahon ng Batas Militar ay ang February Fair ng UPLB na isang espasyong nilikha upang maipahayag ng mga estudyante ang kanilang pagtutol sa deklarasyon ng Batas Militar at sa lumalalang kalagayan ng bansa. Mula noon at hanggang ngayon ay nanatili itong bahagi ng kulturang pangkampus na nag-uugnay sa sining, kabataan, at pagpapatambol ng mga isyung panlipunan.
Ngunit makalipas ang limang dekada, muling nakabalik sa Malacañang ang isang Marcos nang mahalal si Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo noong 2022. Sa apat na taong panunungkulan, patuloy pa rin ang paglabag sa karapatang pantao, mga propagandang nagpapabango ng imahe ng kanilang pamilya, at ang pagpapanatiling gawing prayoridad ang mga sarili. Kamakailan lamang, muling nasasalamin ang patuloy na panganib na kinahaharap ng mga nagtatanggol sa kalikasan at kabuhayan sa ilalim ng umiiral na kalagayan sa bansa. Ayon sa pinakabagong ulat ng Global Witness, labindalawang land and environmental defenders ang pinaslang sa Pilipinas noong 2025 na pinakamataas na naitalang bilang sa Asya at kabilang sa pinakamataas sa buong mundo. Sa mga biktima, anim ay mga katutubo, tatlo ay maliliit na magsasaka, isa ay mamamahayag, at dalawa ay iba pang tagapagtanggol ng kalikasan. Limang kaso naman ang iniugnay ng Global Witness sa pinaghihinalaang pagkakasangkot ng militar. Kitang-kita rito na kahit na wala mang proklamasyon ng Batas Militar ay laganap pa rin ang militarisasyon sa bansa.
Ngayong ika-54 na paggunita sa Batas Militar, hindi lamang natin dapat alalahanin ang kagipitan, karahasan, at kahirapang dinanas ng ating bansa, kundi dapat din tayong magkaisa upang labanan ang patuloy na pang-aabuso sa kapangyarihan ng pamahalaan. Kabilang dito ang mga anomalya sa flood control projects, pamamayani ng mga political dynasty, at kawalan ng pananagutan ng mga nasa kapangyarihan. At bilang mga kabataan at Iskolar ng Bayan, hindi dapat tayo manatiling tahimik. Ang ating mga silid-aralan, laboratoryo, organisasyon, at mga espasyong pangkampus ay hindi hiwalay sa lipunang ginagalawan natin. Ang pagiging iskolar ay hindi lamang pagkamit ng kaalaman para sa sarili, kaakibat nito ang pananagutang gamitin ang kaalamang upang maunawaan ang kalagayan ng sambayanan at kumwestiyon sa mga salaysay at istrukturang nagpapanatili ng pang-aapi.
Ang Philobioscientia, The UPLB Life Sciences Society, ay nakikiisa sa sambayanan sa pagtutol sa sistematikong katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan. Sama-sama nating pairalin ang mapanuri at kritikal na pag-iisip, makilahok sa mga usaping panlipunan, at kumilos upang ipaglaban ang ating karapatang mamuhay sa isang lipunang makatarungan, malaya, at tunay na naglilingkod sa mamamayan.
NEVER AGAIN. NEVER FORGET.
🎨: Tasha Punzalan
🖋️: Bel Borja, Lyka Bismonte