09/06/2026
Dapat bakla, masaya pag may bakla, mahal ko ang mga bakla, gusto ko ang mga bakla, dapat may bakla! Eugene Domingo, (Ang Babae sa Septic Tank 2, 2016)
Bilang pagpupugay at pagkomemora sa pride month, nakikiisa ang UPLB Office of Anti-Sexual Harassment sa pagtataguyod sa karapatan ng ating kapwa mula sa komunidad ng LGBTQIA+. Ang aming opisina ay naninindigan sa katototohanan na ang sangkabaklaan ay may lugar sa mundo. Sa tahanan, paaralan, kusina, opisina, isports, at sa kasuluk-sulukan, ang bawat isa ay kabilang at may bilang na ginagampanan para sa pagbuo ng ating komunidad.
Ang pag-ibig sa sarili at sa kung kaninuman ay maling ipagkait. Ang mga bata, kabataan, at matanda ay saksi sa danas ng bawat miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ sa bawat henerasyon. Sila ang saksi sa laban na walang tigil na itinataguyod ng ating komunidad para sa pagkamit ng kalayaan sa pagpapahayag ng sarili, at pakikibaka sa mga panawagin kontra hamon ng diskriminasyon, panghuhusga, at karahasang nakabatay sa kasarian at seksuwal na oryentasyon.
Bilang tugon sa mataas at tumataas na kaso ng sexual harassment at pang-aabuso sa ating kapwa mula sa iba't-ibang SOGIE, ang UPLB Office of Anti-Sexual Harassment ay madiing kinokondena na ang lahat ng uri ng diskriminasyon at pinatutunayan ang pagpapatibay ng mga inisyatibo para sa maigi at agapang pagsusuri at pagtugon sa pangangailan ng kapwa. Humigit pa rito, nananawagan kami ng patuloy na paggalang sa dignidad, pagkakakilanlan, at karapatan ng bawat tao. Nawa’y magsilbing paalala ang hunyo, na ang isang tunay na inklusibo at makatarungang pamayanan ay yaong kumikilala sa pagkakaiba-iba bilang lakas at hindi bilang hadlang.
-SexualHarassment