05/08/2026
Road to Peace sa Southern Luzon, Patuloy na Gumugulong; 11 NPA supporters sa Camsur, Kusang-Loob na Nagbalik-Loob sa Pamahalaan
Camp Guillermo Nakar, Lucena City - Isang makabuluhang hakbang tungo sa Road to Peace sa Southern Luzon ang muling naitala matapos na kusang-loob na sumuko sa mga kasundaluhan ng Philippine Army, Reserve Command sa Camarines Sur ang 11 na NPA supporters. Kasabay sa kanilang pagsuko, dala nila ang kanilang mga baril at bala nitong ika-26 Hulyo 2026.
Boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan sina Lieliano, Leibert, Lionel, at Lieshly Pariño; Cathrina, Karen, at Roderic Pendor; gayundin sina Lineth, Elaine, Stephanie, at Shane Aler Ayapana, na pawang mga dating NPA supporters ng Kilusang Larangang Gerilya 2, Sub-Regional Committee 1, Bicol Regional Party Committee.
Isinagawa ang kanilang pagbabalik-loob sa Headquarters, Charlie Company, 502nd Ready Reserve Infantry Battalion, 502nd Community Defense Center, 5th Regional Community Defense Group, Philippine Army, Reserve Command sa Libmanan, Camarines Sur. Kaugnay nito, isinuko rin ng mga NPA supporters ang 1 improvised shotgun, 1 kalibre .38 revolver, 4 na mga bala ng kalibre .38, at 1 shotgun ammunition.
Ipinahayag ni LTGEN CERILO C BALAORO JR PA, SOLCOM, Commander, “Ang mabilis na pagdami ng mga indibidwal na boluntaryong nagbabalik-loob sa pamahalaan ay malinaw na patunay na mas marami nang NPA supporters ng armadong kilusan ang pinipiling talikuran ang karahasan at yakapin ang mapayapa, produktibo, at panibagong buhay para sa isang mas maayos na kinabukasan”.
Matatandaan na nito lamang ika-24 Hulyo 2026, apat na miyembro ng NPA sa Bicol ang boluntaryo ring sumuko sa mga kasundaluhan ng 9th Infantry (Sandigan) Battalion sa Brgy. Del Socorro, Minalabac, Camarines Sur. Bukod pa rito, isinuko rin ng mga dating NPA ang 2 improvised shotguns, 12 shotgun ammunitions, at 2 hand grenades. Ito ay nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga indibidwal sa rehiyon na pumipili at tumatahak sa landas ng kapayapaan at pagbabago.
Patuloy namang isinusulong ng Southern Luzon Command ang Road to Peace sa pamamagitan ng mga operasyon na may paggalang sa karapatang pantao, pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, at pagbibigay ng pagkakataon sa mga dating NPA supporters na naligaw ng landas upang makapagsimulang muli ng panibagong yugto ng kanilang buhay sa Timog Luzon.