03/03/2025
PAHAYAG NG SANGGUNIANG BAYAN NG MAGDALENA
RE: PROPOSAL OF BRIDGE ON BRGY. IBABANG ATINGAY
Isang mapayapang pagbati po sa ating mga minamahal na kababayan ng Magdalena.
Nais naming ipabatid sa publiko na ang Kapasyahan Blg. 189, Taong 2024, na naglalayong baguhin ang mga programang sakop ng 20% Pondong Pangkaunlaran para sa Taong 2025, ay hindi pinagtibay ng ating Punong Bayan, Kgg. Pedro C. Bucal.
Iginagalang at nauunawaan po namin ang naging pasya ng ating Punong Bayan, na batay sa kanyang masusing pagsusuri at pananaw sa kung paano higit na mapapakinabangan ang pondo ng ating bayan. Sa kabila nito, nais naming ipahayag na ang Sangguniang Bayan ay nagpasya batay sa mga pangangailangan at mungkahi ng ating mga kababayan, lalo na ang mga barangay na nangangailangan ng pangunahing imprastraktura at iba pang mahahalagang programa.
Naniniwala po kami na sa pamamagitan ng patuloy na bukas na diyalogo at pagkakaisa, maaari nating mapag-usapan at mapagkasunduan ang mga nararapat na hakbang upang matiyak na ang ating pondo ay tunay na magagamit sa mga proyektong may pinakamalaking benepisyo para sa nakakarami.
Ang ating layunin ay manatiling nagkakaisa tungo sa kaunlaran ng Magdalena, na may bukas na isip at matibay na pagtutulungan sa pagitan ng lahat ng sangay ng ating lokal na pamahalaan.
Kami po ay nananatiling bukas sa inyong mga katanungan, mungkahi, at opinyon upang mas lalo pa nating mapabuti ang ating mga programa para sa bayan. Maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta at pakikiisa.
Tanggapan ng Sangguniang Bayan
Bayan ng Magdalena, Laguna