04/01/2026
Once upon a time.. this happen to Karen Bordador.
Now it’s part of history.
Si Karen Bordador y Cortez ay napawalang-sala (na-acquit) sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, matapos mabigo ang prosekusyon na patunayan ang kanyang pagkakasala. Dahil dito, iniutos ng korte ang kanyang agarang paglaya mula sa Pasig City Jail.
Si Karen ay nasangkot sa isang drug raid matapos siyang madatnang dumadalaw lamang sa kanyang dating kasintahan sa isang apartment. Ayon sa salaysay, wala pang isang minuto mula nang siya ay dumating nang may biglang kumatok at sapilitang pumasok ang mga lalaking nakasibilyan, walang dalang search warrant o warrant of arrest.
Makaraan ang ilang oras, bigla na lamang lumitaw sa sala ang sandamakmak na ilegal na droga na sinasabing pag-aari ng kanyang dating kasintahan. Dumating pa ang media at ipinahayag na sila umano ang nagsu-supply ng droga sa mga party at bar, isang paratang na mariing itinanggi ni Karen.
Kahit kulang at 'di sapat ang ebidensya, halos limang taon siyang nakulong sa city jail sa kasong hindi niya ginawa. Lalong tumagal ang proseso nang pumanaw ang hukom na unang humawak sa kaso. Nang italaga ang bagong hukom, masusing inaral ang mga rekord at ebidensya. Sa kabila ng kasong walang piyansa, pinairal ng korte ang hustisya at dahil na rin awa ng Diyos, tuluyang napawalang-sala si Karen.
Dumaan si Karen sa mabigat na pagsubok sa loob ng kulungan. Naranasan niyang kumain ng kaning-lamig, matulog nang dikit-dikit, maligo sa loob lamang ng limang minuto, at makisama sa kulungang may ipis at daga. Naging inspirasyon siya sa mga kapwa bilanggo, tumulong sa pagpapaganda ng kulungan at nagbigay ng pag-asa sa mga kababaihang pinanghihinaan ng loob.
Sa ngayon, mapayapa nang namumuhay si Karen kasama ang kanyang pamilya na buong tapang na ipinaglaban ang isang kasong hindi niya kailanman nararapat pagdaanan. Ang kanyang kuwento ay patunay na kahit sa gitna ng matinding pagsubok, ang katotohanan at hustisya ay mananaig pa rin sa huli.