04/06/2026
PAGPAPALAGANAP NG TAMANG IMPORMASYON AT SERBISYO SA PAMAMAGITAN NG BARANGAY INFORMATION OUTREACH NETWORK (BION) SA MALABON
Matagumpay na isinagawa ang Barangay Information Outreach Network (BION) sa Malabon National High School sa pangunguna ng Philippine Information Agency (PIA) sa pamumuno ni PIA Metro Manila Regional Director Emver Cortez katuwang ang Malabon Public Information Office (PIO).
Dinaluhan ito ng mga miyembro ng Samahan ng Maralitang Lungsod, mga kawani ng barangay, at iba’t ibang kinatawan mula sa mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon upang higit na mapalawak ang kanilang kaalaman sa mahahalagang programa at serbisyong pampamahalaan.
Lubos na sinuportahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pagsasagawa ng BION sa lungsod bilang bahagi ng layunin ng lokal na pamahalaan na mas mapalapit ang mga programa at serbisyo sa bawat Malabueno.
"Mahalagang maihatid natin ang tama at napapanahong impormasyon sa ating mga mamamayan upang mas marami ang makinabang sa mga programa at serbisyong inihahandog ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng ating mga barangay at community leaders, mas napapalakas natin ang ugnayan ng pamahalaan at ng komunidad," pahayag ni Mayor Jeannie Sandoval.
Nagbahagi ng mahahalagang impormasyon ang mga resource speakers mula sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan. Tinalakay ni PIA Metro Manila Regional Director Emver Cortez ang programang “Bawat Bayan Makikinabang” at ang kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad sa mga programa ng pamahalaan. Nagbigay naman si Ms. Jell Guzman, Information Officer III ng PIA-NCR, ng talakayan tungkol sa Media and Information Literacy, habang ibinahagi ni Ms. Charito C. Lontayao, Acting Manager ng SHFC Cavite Branch, ang mga programa ng pamahalaan ukol sa pabahay. Tinalakay rin ni Ms. Sheryl G. Esteban, Marketing and Communications Team Head ng PhilHealth NCR North Branch, ang YAKAP Program at Registration Services ng PhilHealth upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa mga serbisyong pangkalusugan na maaari nilang mapakinabangan.
Patuloy na nagsisilbing tulay ang BION upang mapalakas ang ugnayan ng pamahalaan at mamamayan at matiyak na ang mahahalagang impormasyon, programa, at serbisyo ay direktang nakararating sa bawat komunidad.