31/05/2026
LTO Theoretical Driving Course sa Manaoag: Libreng Pag-aaral para sa Ligtas na Kalsada
Sabado | Mayo 30, 2026
Mahigpit na sinusubaybayan ng mga residente ng Manaoag ang isinasagawang LTO Theoretical Driving Course (TDC) dahil malaking tulong ito para makakuha sila ng TDC Certificate — isang mahalagang requirement papunta sa Student Permit sa LTO.
Upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga mamamayan, sinimulan ni Mr. Crisanto M. De Guzman, Traffic Operations Officer ng munisipyo, ang libreng 2-araw na aktibidad noong Hunyo 2025. Ito ay sa ilalim ng programang “Driven to Serve” at may buong suporta ng Local Chief Executive na si Dr. Jeremy Agerico B. Rosario. Nakipag-ugnayan din sila sa LTO Regional Office 1 sa pamumuno ni Director Glorioso Daniel Z. Martinez at sa Binalonan District Head na si Allan C. Glor para maisakatuparan ang programa.
Sa ika-4 na batch ngayong buwan para sa 2nd quarter ng taon, umabot sa 258 completers ang matagumpay na nakatapos. Sunod na target ay sa Agosto para sa ika-5 staging ng TDC.
Bakit mahalaga ang LTO TDC para sa mga future motorists ng Manaoag?
Ang TDC ay hindi lang basta requirement. Dito natutunan ng mga baguhang driver ang tamang batas-trapiko, road safety, defensive driving, at responsibilidad sa kalsada. Sa halip na basta makahawak ng manibela, mas nagiging disiplinado at may kaalaman ang bawat drayber. Ito ang unang hakbang para maiwasan ang aksidente at mapanatiling ligtas ang mga kalsada ng Manaoag.
Isa sa mga nakatapos sa Batch 4 ay si
Nelba S. Barrientos ng Barangay Babasit, na kasama ang anak niyang si Nicole noong huling staging. Ayon kay Nelba, taos-puso siyang nagpapasalamat sa Traffic Office at kay Mayor Rosario dahil inilapit ang programang ito sa mga Manaoagueño nang libre. Hindi na nila kailangang gumastos pa para sa TDC, at mas naging accessible na ang pangarap na magkaroon ng Student Permit.
Sa patuloy na pagsasagawa ng libreng TDC, pinatutunayan ng lokal na pamahalaan ng Manaoag na ang tunay na serbisyo ay nagsisimula sa pag-aalaga sa kaligtasan at kinabukasan ng bawat mamamayan.
☝️