25/06/2020
Guillermo Masangkay
25 Hunyo, 1867 - 30 Mayo, 1963
Ang kaibigan at personal na tagapayo ng Supremo, Andres Bonifacio. Si Guillermo Masangkay ay sumali sa Katipunan, isang lihim na samahan noong 17 lamang siya.
Si Guillermo ay ipinanganak noong Hunyo 25, 1867 sa Tondo, Maynila. Ang kanyang mga magulang ay sina Domingo Masangkay ng Batangas at Victoria Rafael ng Tanza, Cavite. Siya ang bunso sa apat na mga anak. Wala siyang pormal na edukasyon, gayunpaman, mayroon siyang mataas na intelektwal na pag-iisip. Masigasig siyang magbasa ng mga aklat na hiniram mula sa kanyang mga kapitbahay. Kaya, kahit na siya ay isang bangkero lamang, naging bihasa siya sa wikang Espanyol at naging malalim ang kaalaman tungkol sa pulitika at panlipunan.
Kasalukuyan siyang nangangalakal nang makilala niya ang isang kilalang binata sa kanilang lugar at kinalaunan ay naging kanyang kaibigan, si Bonifacio. Nang magtagal ay nagkaalaman ang dalawa na parehas ang kanilang hangarin para sa bayan. Noong itinatag ni Bonifacio ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892 kasama sina Ladislao Diwa at Teodoro Plata, si Masangkay ay naging isa sa mga unang kasapi nito, kasama sina Restituto Javier, Vicente Molina, Valentin Diaz, Briccio Pantas, Roman Basa at iba pa.
Bilang tagapayo ng Supremo, hiningan ni Bonifacio si Masangkay ng pag-apruba para sa pagbabago ng Katipunan mula sa lihim na samahan patungo sa rebolusyonaryong gobyerno. Si Masangkay ang kanyang itinalaga upang ayusin ang mga pangkat ng Katipunan sa Cavite.
Si Masangkay ay kasama nina Bonifacio, Emilio Jacinto, Restituto Javier, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak at Pedro Zabala noong Abril 1896 sa kweba ng bundok Pamitinan. Ito ang unang lugar para sa pagsisimula ng pag-aalsa. Dito unang binalak ang pagsalakay sa Maynila. Gayunpaman, inabandona ito dahil sa kalayuan mula sa bayan. Ang bagong hirang na heneral na si Masangkay ang inatasan ni Bonifacio na manguna sa isa sa mga grupo na sumalakay sa lungsod.
Noong Agosto 1896, matapos matuklasan ang Katipunan, sumali si Masangkay sa kanila Bonifacio, Emilio Jacinto, at marami pa sa isang lihim na pagpupulong na ginanap noong ika-24 ng Agosto sa Caloocan. Sa una, ang mga kunseho ng kilusan ay di nagkakasundo sa diskarte at taktika na gagawin, at marami sa mga miyembro nito ang nagtatanong sa kabuluhan ng paghihimagsik dahil sa kakulangan ng armas at kagamitan. Gayunpaman, dahil sa matinding at nakakakumbinsing talumpati ng Supremo, ang bawat isa ay nahikayat at nilipol ng lahat ang kanilang mga cedula upang ihayag ang kanilang pagsuway sa emperyalismong Espanya.
Bilang isang rebolusyonaryong heneral, mas nakilala si Masangkay sa panahon ng digmaang Pilipino-Amerikano. Ang kanyang kakayahan ay naipamalas sa di malilimutang labanan sa Zapote Bridge sa Las Piñas. Sa unang araw ng 72-oras na labanan, nagwagi si Masangkay at ang kanyang mga tropa. Ngunit, kinalaunan ay nawala ang kanilang kalamangan dahil sa mas mataas na mga armas ng kaaway.
Malubhang nasugatan sa labanan na iyon, si Masangkay ay dinala sa San Juan de Dios Hospital para maipagamot. Matapos maospital ng tatlong araw, si Masangkay ay nagdamit bilang isang babae, at tahimik na umalis ng ospital at nagtago.
Sa pagpapanumbalik ng kapayapaan, bumalik si Masangkay sa kanyang tirahan at muling nakasama ang asawa na si Romana Noriel ng Cavite, at ang kanilang 12 na anak. Simula noon, namuhay siya ng isang simpleng buhay, inaasikaso ang lumalagong negosyo ng kaniyang pamilya at edukasyon ng mga anak.
Nang ipasiya ng gobyerno na magtayo ng monumento ni Bonifacio, kusang sumuporta si Masangkay sa proyekto at nagbigay ng P10,000 mula sa kanyang sariling pondo.
Sa edad na 95, namatay siya noong Mayo 30, 1963.
mga sanggunian:
• Did You Know: Guillermo Masangkay
https://newsinfo.inquirer.net/792169/did-you-know-guillermo-masangkay
• Guillermo Masangkay
https://www.geni.com/people/Guillermo-Masangkay/6000000097313845518
• Ang Unang Sigaw ayon kay Guillermo Masangkay
https://whatsupjared.tumblr.com/post/6408297986
• Ang mga unang araw ng himagsikan batay sa mga Katipon at historyador
https://www.gmanetwork.com/news/opinion/content/534099/ang-mga-unang-araw-ng-himagsikan-batay-sa-mga-katipon-at-historyador/story/
👍🏽 Ang Supremo