28/07/2026
Noong Hulyo 27, nakiisa ang Liga ng Kabataang Propagandista sa isiniagawang SONA ng Bayan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.
Sinimulan ang programa sa isang State of the Region Address (SORA), kung saan itinampok ang pang rehiyon na kalagayan ng iba't ibang sektor mula Timog Katagalugan at National Capital Region (NCR). Sa pagsasagawa ng SORA, agad nang nakaranas ang iba't-ibang sektor ng panghaharang mula sa hanay ng kapulisan. Nariyan na ang panghaharang sa hanay ng Timog Katagalugan bago nila maisagawa ang kanilang dispersal, habang hinarang naman ang bulto ng NCR bago pa man nila masimulan ang programa.
Matapos ang SORA ng NCR sa tapat ng PhilCOA, nagmartsa ang bulto sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Sa gitna ng martsa, nagkaroon ng kaunting prpgrama kung saan nagtanghal ang Liga ng Kabataang Propagandista kasama ang ibang organisasyon ng isang Dulaang Kalye.nItinampok sa pagtatanghal ang kalagayan ng mga maralitang pamilya na patuloy na humaharap sa banta ng demolisyon sa ngalan ng huwad na pagbabago at modernisasyon. Sa pagtatapos ng dula, isinagawa rin ang pagsira sa effigy na kumakatawan sa imperyalismong US at China, kasama ang mga itinuturing nitong tuta na sina Marcos Jr. at Sara Duterte, gayundin ang pagsira sa bandila ng Imperyalistang Estados Unidos.
Matapos ang pagtatanghal, muling lumarga ang bulto, kasama ang iba pang organisasyon, patungo sa Matandang Balara. Pagsapit sa Commonwealth Ave. cor. Feria Street, Matandang Balara, nagsagawa ang kapulisan ng marahas at iligal na pagdakip sa mga kabataan at raliyista. Sa kabuuan, 51 katao ang nadakip, kabilang ang 3 paralegal at 13 menor de edad.
Sa gitna ng mga pangyayari ngayong araw, lalong napatunayan na ang tunay na State of The Nation ay hindi lamang masasalamin sa mga talumpati sa loob ng Batasang Pambansa. Nasasalamin ito sa lansangan, kung saan patuloy na nararanasan ng mamamayan ang pandarahas, panunupil, at hindi patas na pagtrato mula sa hanay ng kapulisan at ng mismong estado. Habang ipinagmamalaki ng pamahalaan ang kalagayan ng bansa, patuloy namang ipinagkakait sa marami ang kanilang mga batayang karapatan, kabilang ang karapatang magpahayag, mag-organisa, at mapayapang magtipon.