11/10/2026
Sa mga kuko ng Kontrata
Pahayag ng Samahan ng Progresibong Kabataan - PUP
SA MGA silid-aralan ng PUP Maynila, madalas na isang g**o ang nagsasalita sa harap ng higit-singkwentang Iskolar, binabagtas ang buong semestre sa dalawang oras, at inuuwi ang pagod na hindi na kayang tapatan ng sapat na panahon para sa konsultasyon. Ang kakulangan ng mga propesor at instruktor, higit pa sa bilang na nakasulat sa papel, ay danas na laman at buto ng bawat Iskolar ng Bayan na naghahanap ng gabay, at ng bawat g**o na pinapasan ang trabaho ng marami para sa karampot na sahod.
Noong Oktubre 2023, may 1,562 part-time faculty ang PUP Maynila, halos 64% ng kaguruan, samantalang 884 ang regular o full-time. Sa 84,897 na mag-aaral sa Main Campus, katumbas ng 34 na mag-aaral ang isang g**o kung isasama ang mga part-time. At kung regular lang ang bibilangin, nagiging isa sa 96. Sa ilang departamento, tulad ng History, iniulat na umaabot pa ng isang instruktor sa higit-kumulang isang-libong mag-aaral. Sa ganitong ratio, nagiging mabilisang pagtatalakay ang malalim na pag-aaral, at ang konsultasyon ay nagiging pribilehiyo ng iilan.
May mga part-time instructor na binibigyan ng 39 units, katumbas ng labintatlong seksyon, sa isang semestre. Ika nga, sa pangalan (at marahil sahod) ka lang “part-time”, dahil “full-load” naman ang trabaho mo. Garapal na pananamantala ito sa lakas-paggawa ng katiting na kaguruang meron ang pamantasan na pinapangalanan ng disenteng salita. Wala silang seguridad sa trabaho, limitado ang benepisyo, madaling tanggalin, at kadalasan ay walang boses sa mga desisyon ng pamunuan. Ang mga regular na g**o ay nalulunod din sa administratibong gawain, thesis advising, committee meetings, at iba pang tungkulin na, kung tutuusin, ay hindi naman tungkuling sa kanila. Kaya ang resulta ay pagod na g**o, kulang na atensyon, at kabataang natututo sa namamaos na tinig at nagmamadaling talakayan.
Gayunding hindi nasa vacuum ng pamantasan ang mga problema ng pamantasan, kundi laging angkla sa at ekspresyon ng mas malalim na panlipunang sakit. Hindi bago ang kasabihan sa atin: microcosm nga ng Pilipinas ang pamantasan ng PUP.
Sa madaling salita, bunga ng patuloy na pagbawas ng pondo para sa edukasyon at serbisyong panlipunan ang kahirapan ng kaguruan at sangkaestudyantehan. Mas inuuna ng burgis na estadong pinamumunuan ni Bongbong ang pagbibigay-lugod sa malalaking negosyo sa loob at labas ng bansa, pagpapataba ng militar at pulisya, at pagtulak ng mga proyektong imprastraktura sa gitna ng iskandalo ng flood control allocations, kaya kulang ang plantilla positions at hindi naaayos ang mga kwalipikadong g**o. Ang mga part-time ay pinapasan ang labis na trabaho, ang mga full-time ay nauubos sa dami ng gawain, at ang buong pamantasan ay naghihingalo sa ilalim ng sistemang ayaw maglaan ng sapat na pondo sa hinaharap ng bansa.
Ang problema sa Sinta ay bahagi ng kalagayan ng mga manggagawa sa buong bansa. Sa gitna ng asunta sa karapatang mag-organisa't magdemanda ng mga manggagawa sa pulitikal na antas, bitbit ang kanilang ekonomikong interes, ito ang parehong sistemang nagpapalaganap ng endo at labor-only contracting, pilit na nagpapababa ng sahod ng mga mababa na nga ang sahod, nag-aalis ng benepisyo, at nagpapahina sa unyon at pagbubuklod ng mga manggagawa; ito rin ang sistemang nagpapabaya sa mga ospital, paaralan, kalikasan, maayos na imprastrakturang pang-urban, at iba pang serbisyo-publiko (nangunguna ang pampublikong kalusugan sa budget cuts ng National Expenditure Program of 2027, at ikalawa ang edukasyon). Wage stagnation at kakulangan sa benepisyo ang dinaranas ng mga g**o, nars, drayber, at iba pang manggagawa. Understaffing ang problema sa mga ospital, paaralan, at serbisyo publiko dahil sa patuloy na pagbawas ng budget. Ang mga g**o ay manggagawa, at ang pakikibaka nila para sa plantilla, regularisasyon, sapat na sahod, at karapatang mag-organisa ay pakikibaka ng buong uring-manggagawa. Kapag ipinagkait ang karapatan ng mga g**o, naaapektuhan din ang karapatan ng mga mag-aaral at ng sambayanan sa tunay na edukasyon.
Bilang bahagi ng progresibong kilusang mag-aaral at kasama ng mga g**o at kawani, ang tindig namin ay maka-uri: agad na lumikha ng permanenteng plantilla positions para sa mga g**o at kawani; sapat na pondo para sa PUP system at lahat ng SUC; regularisasyon ng mga part-time at kontraktwal; pagbaba ng student-to-faculty ratio; paglilimita sa class size at teaching load; paggalang sa academic freedom at karapatan sa unyon; at tunay na maka-uring representasyon ng mga mag-aaral, g**o, at kawani sa mga lupon na nagpapasya sa badyet at hiring.
Karapatan ang sapat na g**o at dekalidad na edukasyon. Ang mga g**o ay biktima rin ng sistemang ayaw maglaan ng sapat na pondo at permanenteng trabaho para sa mga manggagawang pantas. Nakikiisa kami sa mga g**o, kawani, at lahat ng manggagawa.
SAPAT NA PONDO SA PUP AT SUCs!
REGULARISASYON PARA SA MGA GURO'T KAWANI!
SAY NO TO BUDGET CUTS!
join.sparkkabataan.org
join.sparkkabataan.org
join.sparkkabataan.org