29/05/2025
Dapat munang bigyan ng pagkakataong sumailalim sa rehabilitasyon ang mga empleyado ng gobyerno na nagpositibo sa drug test bagama’t itinuturing na administrative offense ang paggamit ng droga, ayon sa .
Ang dismissal ay magiging makatwiran lang kung tumanggi silang makipagtulungan o bigong kumpletuhin ang kinakailangang programa sa rehabilitasyon na naaayon sa ibinigay ng batas at mga kasunduan. Ito ay para isaalang-alang na ang paggamit ng droga ay isang hamon sa kalusugan ng publiko.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, binago ng En Banc ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagpatibay sa pagpapatalsik sa isang kawani ng Muntinlupa City government matapos itong magpositibo nang dalawang beses sa paggamit ng shabu.
Una nang nagpositibo ang nasabing kawani sa inisyal na screening ng Muntinlupa Laboratory at muli sa confirmatory test ng National Laboratory. Matapos ang pormal na imbestigasyon at kaso para sa grave misconduct, tinanggal siya ng alkalde ng lungsod. Pinagtibay ng Civil Service Commission (CSC) at ng Court of Appeals ang desisyong ito.
Nagpasya ang Korte Suprema na dapat munang bigyan ng pagkakataon ang kawani na makapagpa-rehabilitate bago matanggal sa puwesto. Binigyang-diin nito na ang paggamit ng droga ay itinuturing na isang sakit, hindi lang isang krimen, at dapat tratuhin nang naaayon.
Inaatasan ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang Estado na bigyan ang mga gumagamit ng droga ng access sa mga programa sa rehabilitasyon para matulungan silang makabangon at makasama muli sa lipunan.
Mismong mga alituntunin ng CSC (Memorandum Circular No. 13, serye ng 2017) ang humihiling ng interbensyon sa halip na agarang pagpapaalis para sa mga empleyadong nagpositibo sa paggamit ng droga. Bagama't may administrative offense, ang layunin ay tulungan ang mga empleyado na makabangon at makabalik sa serbisyo publiko.
Inutusan ng Korte ang kawani na sumailalim ulit sa panibagong drug test dahil halos 14 na taon na ang nakakaraan mula noong siya ay huling gumamit ng bawal na gamot. Kung siya ay magnegatibo, walang paggamot na kakailanganin, at maaaring muling isaalang-alang ng CSC na ibigay ang kanyang mga benepisyo at payagan siyang bumalik sa serbisyo ng gobyerno.
Kung siya ay magpositibo, dapat siyang sumailalim sa isang drug dependency exam at pumasok sa isang rehabilitation program. Ang kanyang mga parusa ay nakabinbin habang siya ay sumasailalim sa paggamot.
Kapag na-certify na siya ay ganap nang magaling at karapat-dapat na magtrabaho, ang CSC ang dapat mag-assess kung ibibigay ang kanyang mga benepisyo at papayagan siyang magtrabahong muli sa gobyerno.
Basahin ang buong teksto ng press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/sc-government-workers-who-fail-drug-test-must-be-given-a-chance-to-rehabilitate/.
Ang buong teksto ng Desisyon ng En Banc sa G.R. No. 260742 ay ia-upload sa website ng Korte Suprema kapag available na.