06/08/2026
MOGPOG MPS, PINAIIGTING ANG KAMPANYA LABAN SA KRIMEN
Mogpog, Marinduque – Bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa kriminalidad, pinaigting ng Mogpog Municipal Police Station (MPS) ang pagpapatupad ng iba't ibang programa at aktibidad na naglalayong mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mamamayan.
Kabilang sa mga isinasagawang hakbang ang mas pinaigting na police visibility, mobile at foot patrol, police checkpoints, Oplan Sita, barangay visitation, pulong-pulong, at information drive sa mga paaralan, pampublikong lugar, at mga barangay. Layunin ng mga aktibidad na ito na maiwasan ang paglitaw ng krimen, mapalakas ang ugnayan ng pulisya at komunidad, at mahikayat ang publiko na maging aktibong katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan.
Patuloy ding hinihikayat ng Mogpog MPS ang bawat mamamayan na maging mapagmatyag at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa Expanded 911 ang anumang kahina-hinalang tao, pangyayari, o aktibidad na maaaring magdulot ng panganib sa komunidad.
Binigyang-diin ng Mogpog MPS na ang epektibong pag-iwas sa krimen ay nakasalalay sa matibay na pagtutulungan ng pulisya, lokal na pamahalaan, at ng bawat mamamayan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at patuloy na pakikipag-ugnayan, maisusulong ang isang ligtas, mapayapa, at maayos na pamayanan para sa lahat.
In case of emergency, dial 911.
Hotline: 0939-271-0071 📱
Landline: (042) 332-0613 ☎️