25/10/2021
ANO ANG NANGYARI SA LUPAO SUBSTATION?
At bakit hanggang ngayon ay wala kaming kuryente?
Nawalan ng kuryente sa bayan ng Lupao, Talugtug, Balante hanggang Calisitan, Muñoz, at Bical hanggang Mapangpang, Muñoz kahapon, October 24, 2021, bandang 11:43 ng umaga. Ayon sa inspeksyon ng maintenance crew ng ating kooperatiba, napag-alaman na ang sira ay nagmumula sa power transformer ng Lupao Substation.
EH ANO NGA ANG NANGYARI?
Nagkaroon ng unscheduled power interruption sa mga bayan at lugar na sakop ng Lupao substation dahil sa force majeure o di inaasahang pagkasira ang power transformer na wala sa kontrol ng ating kooperatiba.
SO KELAN MAGKAKA-KURYENTE?
Dahil ang pagkasirang ito ay nangangailangan ng pagpapalit ng power transformer, asahan na ang may katagalang pagkawala ng kuryente. Ngunit, upang kahit sa maliit na paraan ay matugunan ang pangangailangan sa kuryente, magpapatupad ang ating kooperatiba ng rotational brownout sa lahat ng lugar na sakop ng Lupao Substation.
ANO ANG SCHEDULE NG ROTATIONAL BROWNOUT?
Simula sa October 25, 2021, ipapatupad ang sumusunod na schedule ng rotational brownout:
MAY SUPPLY NG KURYENTE MULA 6PM HANGGANG 6AM
- Lahat ng barangay ng Lupao
- Bical, Muñoz
- Franza, Muñoz
- Villa Ruiz, Muñoz
- San Felipe, Muñoz
- Rizal, Muñoz
- Mapangpang, Muñoz
- Villa Isla, Muñoz
- Linglingay, Muñoz
- Mangandingay, Muñoz
- San Andres, Muñoz
MAY SUPPLY NG KURYENTE MULA 6AM HANGGANG 6PM
- lahat ng barangay ng Talugtug
- Catalanacan, Muñoz
- Gabaldon, Muñoz
- Rang-ayan, Muñoz
- Villa Santos, Muñoz
- Pandalla, Muñoz
- Calisitan, Muñoz
BAKIT KAILANGAN NG ROTATIONAL BROWNOUT?
Ang rotational brownout ay ipinapatupad para mapagkasya ang kakaunting supply ng kuryente. Sa ngayon, ang mga lugar na sakop ng Lupao Substation ay pansamantalang naka-konekta sa Muñoz Substation ngunit hindi ito kayang sabay sabay na suportahan ng Muñoz Substation kaya kailangang i-allot o pagkasyahin ang supply ng kuryente sa pamamagitan ng rotational brownout.
HINDI TOTOO 'YAN! GAWA GAWA NIYO LANG 'YAN! HINDI MAGANDA ANG SERBISYO NINYO!
Hindi nais ng ating kooperatiba ang nangyari. Ito ay isa sa mga emergency power interruptions na dulot ng technical issues. Sa pagkakataong ito ay ginagawa na ng management ng NEECO II - Area 1 ang lahat ng makakaya nito upang mabilis na mapalitan ang power transformer ng Lupao Substation at maibalik sa normal ang supply ng kuryente. Humihingi po kami ng inyong malawak na pang-unawa sa ating sitwasyon ngayon.