06/05/2026
ISANG PAGPUPUGAY SA KATAPATAN AT INTEGRIDAD!
Sa gitna ng araw-araw na hamon sa ating kalsada, may mga kwento ng kabutihan na tunay na nagbibigay inspirasyon sa ating lahat.
Ipinagmamalaki ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB) ang isa nating masipag na Traffic Officer na si Samuel Pasco na nagpakita ng pambihirang katapatan at integridad. Sa kabila ng pagkakataong mapakinabangan ang perang kanyang napulot, pinili niyang gawin ang tama.
Habang siya ay nasa tungkulin, noong ika-06 ng Mayo, 2026 bandang 1:30 ng hapon, nakapulot siya ng isang wallet na naglalaman ng mahahalagang ID at halagang ₱6,800.00. Ito ay hindi niya pinag-interesan. Sa halip agad niya itong isinuko sa aming opisina upang maibalik sa tunay na may-ari na si Bb. Gerlita B. Maglantay.
Sa panahong maraming tukso at pagsubok, ang ganitong gawain ay patunay na ang tunay na lingkod-bayan ay may malasakit, disiplina, at paninindigan sa tama—kahit walang nakakakita.
Ang kanyang ginawa ay hindi lamang simpleng pagsunod sa tungkulin, kundi isang malinaw na halimbawa ng katapatan at integridad na dapat tularan ng bawat isa.
Nawa’y magsilbi siyang inspirasyon at ehemplo, na sa maliit man o malaking paraan, ang paggawa ng tama ay laging mananaig.
Muli, kami ay lubos na nagpapasalamat at nagbibigay-pugay sa iyong kabutihang loob. Ikaw ay isang tunay na huwarang lingkod ng bayan!