02/06/2026
PRESS RELEASE #0626-01
Authority: PLTCOL CIRIACO M PACER JR
Acting Chief-Of-Police
Nabua Municipal Police Station
SHABU AT BARIL, NASAMSAM SA ISINAGAWANG SEARCH WARRANT OPERATION NG PNP NABUA
Nadakip ng mga operatiba ng Nabua Municipal Police Station, katuwang ang PDEA ROV, ang isang lalaking sangkot sa ilegal na droga matapos ang matagumpay na pagpapatupad ng search warrant sa Zone 3, Brgy. Topas Proper, Nabua, Camarines Sur dakong 5:46 ng umaga noong Hunyo 2, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Giliw,” 48 taong gulang, may asawa, dance instructor, at residente ng naturang barangay. Siya ay nakatala bilang Street Level Individual (SLI) at may naunang rekord ng pagkakaaresto kaugnay ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Ang operasyon ay isinagawa, sa bisa ng Search Warrant No. IR-2026-49 para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 at Search Warrant No. IR-2026-50 para sa paglabag sa Republic Act No. 10591. Ang mga search warrant ay ipinalabas kahapon, June 1, 2026n g Regional Trial Court, Branch 60, Iriga City, Camarines Sur.
Sa isinagawang paghahalughog sa tirahan ng suspek, nakumpiska ng mga operatiba ang isang (1) rolyo ng aluminum foil, tatlong (3) piraso ng aluminum foil strips na may bakas ng shabu, dalawang (2) piraso ng aluminum foil strips, at isang (1) berdeng lighter na walang head na pawang itinuturing na mga kagamitan na maaaring may kaugnayan sa paggamit ng ilegal na droga. Nasamsam din ang isang (1) caliber .38 revolver na may tatak na “Smith and Wesson” na walang serial number at kargado ng limang (5) bala. Bukod dito, narekober din ang isang plastic container na naglalaman ng anim (6) na transparent plastic sachet ng shabu.
Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at mga kinatawan mula sa barangay at media, alinsunod sa mga itinakdang probisyon ng batas.
Matapos ang operasyon, ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang naaayon sa Saligang Batas sa wikang kanyang nauunawaan. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Nabua MPS habang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa kanya.
Muling pinatutunayan ng operasyong ito ang matatag na pagtutulungan ng Nabua MPS at PDEA sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga at loose fi****ms. Ipinakikita rin nito ang walang humpay na pagsisikap ng mga awtoridad na tugisin ang mga lumalabag sa batas at protektahan ang komunidad laban sa mga banta sa kapayapaan at kaayusan.